2 patay sa banggaan ng motorsiklo, trike

    316
    0
    SHARE

    SAN JOSE CITY – Namatay habang ginagamot sa ospital ang dalawang lalaki matapos magkabanggaan ang kanilang sinasakyang motorsiklo at tricycle sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Abar 1st sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.

    Sa ulat ni SPO1 Apolinario Tolentino, may hawak ng kaso, ang mga biktima ay nakilalang sina Jayson Mendonez, 24, binata, ng Barangay Burgos, Carranglan, Nueva Ecija at Mark Grospe,23, binata, mula sa Barangay Baloc, Sto. Domingo, Nueva Ecija.

    Nagtamo rin ng pinsala ang kani-kanilang mga back-rider na sina Kenneth Mendonez,18, at Jennifer Elias,22, ng Barangay Riverside, Zone 7, Barangay Abar 1st, sa lungsod na ito.

    Sa imbestigasyon, minamaneho ng nakatatandang Mendonez ang isang single na motorsiklo (7248 YN) samantalang isang tricycle naman (PN 5145) ang minamaneho ni Grospe bandang alas 9:40 ng gabi nitong Sabado sa naturang lugar.

    Magkasalubong umano ang dalawang sasakyan nang biglang magsalpukan at dahil sa lakas ng banggaan nang umano’y mag-overtake ang single na motorsiklo at kinain ang linya ng tricycle.

    “Due to impact, all of them sustained serious injuries,” ulat ni Tolentino at mga kasamang imbestigador.

    Isinugod sa ospital lahat ng biktima, ayon sa pulisya, subalit ang driver na si Mendonez ay namatay ilang minuto pa lamang ng gamutan. Kinailangang isugod sa isang pagamutan sa Cabanatuan City si Grospe ngunit binawian rin siya ng buhay samantalang nilalapatan ng lunas, ayon sa pulsiya.

    Patuloy naman ang pagpapayo ng mga otoridad na mag-ingat sa pagmamaneho, lalo sa motorsiklo.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here