LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pormal nang inilagak ang isang panandang pangkasaysayan sa 134 taong gulang na istraktura ng dating istasyon ng tren ng Philippine National Railways (PNR) sa Malolos.
Ang pagkakabit ng naturang pananda ay bahagi ng SINEliksik project ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO) na isang synergy strategy sa pagtuturo at pagpapalaganap ng lokal na kasaysayan ng Bulacan.
Ipinaliwanag ni PHACTO Head May Arlene Torres na kabilang sa mga makasaysayang tagpo sa nasabing istasyon ang pagbaba rito ni Dr. Jose P. Rizal noong 1892.
Pangunahing layunin ng pagbisita ang pagkampanya para sa pagtatatag ng La Liga Filipina.
Layunin nito na pagkaisahin ang mga Pilipino mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas upang maisulong ang pagmamalasakitan sa isa’t isa, maipagtanggol ang bawat isa laban sa kawalang katarungan, magkaroon ng edukasyon ang lahat, at palakasin ang pagsasaka at kalakalan.
Naging pagkakataon din ang pagbisitang ito ni Rizal upang makadaupang palad ang mga Kadalagahan ng Malolos, na kanyang sinulatan noong siya’y nasa London upang palakasin ang loob nila noong iginigiit nila na sila’y makapag-aral sa panahong hindi pa isang karapatan na makapagpahayag ng saloobin.
Dito rin bumaba ang mga delegado ng Kongreso ng Malolos na nagsesyon sa simbahan ng Barasoain mula 1898 hanggang 1899.
Sa mga sesyon na ito niratipika ang Proklamasyon ng Kalayaan at ibinalangkas hanggang mapagtibay ang Saligang Batas ng 1899.
Taong 1991 nang magsimulang mahinto ang operasyon ng PNR kaya’t nasarado rin ang istasyon.
Matapos ang lagpas tatlong dekada ng pagkakatiwangwang, iniulat ni North-South Commuter Railway Deputy Project Manager Jojo Giron na sinimulan nang ipreserba ito ng Department of Transportation sa tulong ng Japan International Cooperation Agency.
Inuna ang preserbasyon kung saan nagsasagawa ng buwanang baseline monitoring kung nagkakaroon ng anumang maliit o malaking pagkasira sa pagdaan ng panahon.
Susundan ito ng restorasyon kung saan plano ng pamahalaang lungsod ng Malolos na gawin itong museo sa pamamagitan ng paraang adaptive reuse. (CLJD,SFV, PIA Region 3-Bulacan)