Home Opinion ANG BAHA SA LUNSOD NG SAN FERNANDO AT BAYAN NG SAN SIMON

ANG BAHA SA LUNSOD NG SAN FERNANDO AT BAYAN NG SAN SIMON

630
0
SHARE
Kapagka umulan ng ubod ng lakas
kahit na sa loob lang ng isang oras
ang San Fernando na mapayapang syudad
Dito sa Pampanga’y binabaha agad
Noong isang araw ako’y inabutan
ng napakalakas na buhos ng ulan
sa sobrang lalim ng baha sa lansangan
di na umuusad ang mga sasakyan
Mga motorista ay walang magawa
natengga sa traffic na napakahaba
mga estudyante ay nakakaawa
dahil nilusong ang ga-tuhod na baha
Sa tuloy-tuloy na paglaki ng tubig
marami ang mga sasakyang tumirik
hindi lang ang mga kotseng maliliit
kundi pati na rin ang mga lumang dyip
Taun-taon na lang ganyan ang eksena
na sa San Fernando’y ating nakikita
may ilang lugar na baha ang kalsada
sa mga panahong nag-uuulan na
Ang kainaman lang pagtigil ng ulan
naimbak na tubig dagling napaparam
pagkati ng baha kaya lang mabagal
dahil sa basurang bumara sa kanal
Kung may disiplina lang ang mga tao
hindi babahain itong San Fernando
daluyan ng tubig nagiging barado
sa mga basurang nakaharang dito
Ngunit sa San Simon ay napakalala
ang tubig ay hindi agad nawawala
mga residenteng malapit sa sapa
madalas na laging  biktima ng baha
Noong nakaraang linggo’y nagka FLASH FLOOD
na lamang bigla sa barangay DELA PAZ
at ang dahilan daw nasarhan ang butas
ng tosang dahil sa lupang itinambak
Mula ng dumami ang mga pabrika
doon sa Quezon road ay bumabaha na
at sa tuwing tag-ulan ay nasasalanta
ang San Isidro at ang Sta. Monica
Dati ang nabanggit na mga barangay
di binabaha sa panahong nagdaan
ngunit ngayon kapag malakas ang ulan
nagkakatubig na sa mga lansangan
Maituturing bang kasalanan  ito
ng inhinyero ng aming munisipyo
sinuri kaya niyang mabuti ang plano?
ng mga pabrikang itinayo rito?
May drainage system ba ang mga pabrika
na sa mga plano dapat ay kasama
at ibang bagay na lubhang mahalaga
bago magbigay ng permit sa kanila
Di kaya nagkulang itong si engineer?
o naging pabaya sa kanyang tungkulin
sa taunang bahang dinaranas natin
sino ang may sala at dapat sisihin?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here