Home Opinion Nakatatanda

Nakatatanda

534
0
SHARE

IPINAGDIRIWANG NATIN ngayon ang World Day for Grandparents and the Elderly. Ano sa Tagalog ang ELDERLY? NAKATATANDA. Kaya nagtataka ako kung bakit ina-associate ang pagiging matanda sa pagiging ulyanin o makakalimutin, gayong eksaktong kabaligtaran ang ibig sabihin ng NAKATATANDA. Kung nakatatanda ka, ibig sabihin hindi ka malilimutin. Ang ugat na salita ay TANDA. Ang tanda o palatandaan ay anumang bagay na pwedeng gumabay sa naglalakbay para hindi ito maligaw. Sa Ingles—SIGNS. Kaya nga ang daming mga signages (pananda) sa mga kalsada—mga babala: pedestrian crossing, railroad crossing, no U-turn, no-left-turn, dead-end, one way, entrance, exit, etc. Pag di mo binasang mabuti ang tanda sa pagtawid sa kalsada, pwede kang masagasaan, pwede mong ikamatay.

Sa usaping ito kakaiba si San Juan sa ibang mga ebanghelista. Hindi milagro o himala ang tawag niya dito sa kuwento ng pagpapakain ng limang libo katao. Ang tawag niya dito ay PALATANDAAN. Mayroong itinuturo. Ang problema lang ay, kung minsan napakalinaw na ng tanda at ang itinuturo nito pero hindi pa rin ma-gets (makuha) ng iba. Katulad sa nangyari sa dulo ng kuwentong narinig natin sa ebanghelyo. Sa sobrang pagkamangha sa nangyaring pagpapakain ng limang-libo katao, gusto raw siyang gawing hari ng mga taong nakasaksi. Ang nakita nila ay himala, hindi tanda. Sino ba ang ayaw sa libreng pagkain? Kung kaya mong pakainin at busugin ang limang libo katao sa limang tinapay at dalawang isda, mabuti siguro gawin ka nang hari para malutas ang problema ng gutom at kahirapan sa mundo. Magic ang nakita nila. Kung sa Ingles, “They missed the point.” Hindi nakuha ang kahulugan ng tanda.

Napansin ba ninyo ang sunod-sunod na salitang ginamit para ilarawan ng ebanghelista ang ginawa ni Hesus bago siya nagpakain? “Kinuha niya ang tinapay, nagpasalamat siya. Pinaghati-hati niya iyon. Iniabot sa kanyang mga alagad para ibahagi sa mga tao.” Gayundin ang ginawa sa dalawang isda. Kailan natin naririnig ang mga salitang ito? Sa Misa o Eukaristiya. Kaya siguro higit pa sa TANDA ang turing natin sa Eukaristiya. Ito’y SAKRAMENTO. Isang tanda na hindi lang epektibo, isang tanda na hindi lang nagtuturo kundi nagpapaganap sa itinuturo.

Sa mahabang kasaysayan ng pananampalatayang Kristiyano, sanay na tayong pagtawanan ng mga hindi marunong umunawa sa ating mga tanda. Hindi na bago iyan sa atin. Dahil nga magic ang tingin nila sa ginagawa ng pari sa Misa—na sa kumpas ng kamay niya ang ordinaryong tinapay ay magiging Diyos, ginaya-gaya ito ng mga magicians o salamangkero. Pati nga salitang Latin para sa sinasabi ng pari sa consecration ay ginaya nila: “Hoc est enim corpus meum…” This is my body… Sa kauulit, naging HOCUS POCUS. Di ba ang magic hindi naman totoo, nilalaro lang ang mata? Ito ang punto nila—Nilalaro nyo lang kami.

Sa marunong bumasa sa tanda, malinaw na hindi ito magic. Hindi naman ito tungkol sa tinapay na nagiging Diyos. Baligtad. Tungkol ito sa Diyos na nagiging tinapay. Tungkol sa misteryo ng pag-ibig ng Diyos na nag-aalay ng kanyang buhay, nagbibigay ng sariling katawan at dugo bilang pagkain ng buhay. Niyayaya tayong makita ang misteryo ng pag-ibig ng Diyos sa tinapay na kinuha, ipinagpasalamat, hinati at ibinigay upang ipakain.

Aanhin mo ang tinapay kung ayaw mo itong ipakain? Aamagin lang. Hindi lang tinapay ang inaamag. Mga tao rin. Kapag ipinagdamot natin ang buhay—kapag hindi natin ito maialay, hindi maipagpasalamat, kapag ayaw nating mahati para maibahagi, para maubos. Walang kuwenta ang buhay na para sa sarili lang, walang pinag-aalayan.

Ang susi sa tinatawag na milagro ng pagpapakain ng limang libo ay hindi magic. Limang tinapay na gawa sa sebada at dalawang isda. Alay ng dukha. Kasi, para sa mga Hudyo, ang sebada ay pagkain ng kabayo. Pero noon, ang mga dukha, dahil hindi ma-afford ang tinapay na gawa sa trigo, ok na sa kanila ang tinapay na gawa sa sebada. Parang kanin na hindi galing sa bigas o palay kundi sa mais. Pagkain ng mahirap. Iyon ang susi o tanda ng Eukaristiya na magpapakain ng marami: kagandahang-loob, kahandaan na magbahagi kahit mula sa pangangailangan. 

Di ba ito ang naging susi rin ng lumaganap na community pantries noong pandemya? Naglagay lang si Patreng ng TANDA o mensahe, nagets ng marami: “Kumuha ayon sa pangangailangan, magbigay ayon sa kakayahan.” Kahit ang pinakadukha ay mayroon pa ring maibibigay, huwag itong maliitin! Kahit mayroon tayong pangangailangan, alam natin na laging mayroong mga taong mas higit na nangangailangan kaysa sa atin. 

Kasabihan sa Ingles—Generosity breeds generosity. Kung ang pagiging mapagbigay ay nakakahawa, ang pagiging madamot ay nakakahawa din. Ito ang gabay na ibinibigay ni Hesus sa mga alagad niya—na iniwan niya bilang TANDA at SAKRAMENTO sa Eukaristiya. Ito ang aking katawan, ito ang aking dugo. Tandaan ang totoong susi ng milagro ng pagpaparami—ang kahandaang maging parang tinapay, mahati, makain, maubos hanggang sa walang maiwan kundi mga pira-pirasong tira-tira. Ito ang pinapulot ni Hesus sa mga alagad niya dahil sagrado sa kanya ang mga mumo. Ganyan din ang marami sa ating mga lolo’t lola—naging mga halimbawa sila ng buhay na waldas, bigay-todo, di-takot maubos, hindi maramot. Madalas ilarawan ang kaharian ng Diyos bilang isang kainan na may saganang pagkain sa mesa. Pero ako sa palagay ko, sa mesa ng langit ang pagkain ay mga dakilang tira-tira. Sila ang pinapupulot ng Diyos sa mga anghel at iniuuwi sa mesa ng langit dahil naging saksi at patotoo sila ng kanyang kagandahang-loob.

Sa araw na ito, hanggang bukas, magbibigay daw ng plenary indulgence si Pope Francis na tinawag na Lolo Kiko ng mga Pilipino. Karaniwan ang plenary indulgence ay para sa mga nagpi-pilgrimage sa mga sagradong lugar. Sabi ni Lolo Kiko, dalawin ninyo ang mga lolo’t lola ninyo at may plenary indulgence kayo. Bakit? Dahil ang mga dakilang tira-tira na katulad nila ay sagrado sa mata ng Diyos. Sila, na hanggang sa pagtanda, hanggang sa huling hininga—patuloy pa ring inilalaan ang anumang natitira sa kanilang buhay para sa minamahal.

(Homiliya para sa World Day for Grandparents, 27 Hulyo 2024, Ika-17 Linggo ng Karaniwang Panahon, Juan 6:1-15)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here