KUNG ganyang hati ang opinion ng bayan
hinggil sa isyu r’yan ng batas militar,
na kaugnay ng gyerang katatapos lang
(sa Marawi,) at kung saan pinairal
Ng ating Pangulo ang naturang batas
sa buong Mindanao upang di lumawak
ang pinsala at di basta makatakas
itong sa lugar ay naminsala’t sukat
Na gupo ng Maute-Isis, na tumagal
ng limang buwan bago lubos napipilan
ang teroristang ‘yan sa dati’y masayang
lungsod ng Marawi lagim ang iniwan.
At ngayon kahit na tapos na ang gyera
ay hindi pa lubos kampante ang iba,
kaya marubdob na kahilingan nila:
ang batas militar ay palawigin pa?
Hanggang sa ang lungsod nga nitong Marawi
ay maibalik sa katulad ng dati
na matahimik sa lahat ng sandali,
ang higit kailanma’y pinakamimithi.
Pero hayan, kontrabida naman itong
aywan lang kung bakit sila lubhang tutol
sa panukala na mabigyang ‘extension’
ang batas militar sa buong Mindanao?
Kung saan sa puntong ito malalagay
sa pagitan ng batong nag-uumpugan
ang Pangulo, kung alin ang pagbibigyan
sa dalawang panig, problema na naman.
At kapag itong sa ‘martial law’ ay pabor
na ipagpatuloy sa naturang rehiyon,
tiyak magra-rally na naman ang kampon
ni Renato Reyes, nang kontra kay Digong!
(Sino ba talaga ang Reyes na ito,
na wala na yatang anumang trabaho
kundi magtatag ng ‘rally’ at manggulo
kasama ng iba laban sa gobyerno!)
Aba’y kung lahat na ng mga pagkilos
ng ating Pangulo ay binabatikos
(lalo ng ‘Dilawan’) anong idudulot
na buti sa bayan kundi pagdausdos
Ng lahat ng bagay, partikular na r’yan
ang ekonomiya’t katatagang pinansyal
nitong ating bansa; at sa Malakanyang
isisisi kapag nagtulog-tulugan!
Marahil tayo man ang lumagay bale
sa puesto ngayon ng ating Presidente,
natural lamang na tayo’y magpursige
sa kung anong marapat ikilos pati
Para masawata ang anumang plano
ng mga pasaway laban sa gobyerno,
kung saan posibleng magdeklara ito
nang kung anong nasasaad sa ‘rule of law’.
Kundi man ng batas militar, maaring
‘revolutionary government’ sakaling
ito ang talagang siyang kakailanganin
upang ang gobyerno’y kanyang patatagin.
Bilang Pangulo ay katungkulan niyang
pangalagaan ang ating Inangbayan
laban sa kultura ng grabeng nakawan
at agawan pati sa kapangyarihan.
Kung ‘federal system’ ang siyang nararapat
na uring gobyerno ang yakapin dapat
para sa ikapag-babago ng lahat,
ano’t di ito ang agad ipatupad?!