ILANG ARAW na lang ay bagong taon na
matapos ang araw ng paskong kaysaya,
at gaya ng dating atin nang nakita,
marami na naman ang madidisgrasya
At/o masasaktan sa mga paputok,
na batid nang walang buting maidudulot
kundi ng malaking perwisyo at sunog,
kapagka biglaang ito ay sumabog
Pero binibili pa rin kahit bawal
ng nakararaming ika nga’y pasaway,
lalo nitong mga mapera at sadyang
sa pag-gasta ay di sanay manghinayang.
Taon-taon na lang di mabilang halos
ang nasabugan ng bawal na paputok,
subalit di man lang tinablan ng takot
itong iba upang tumigil ng lubos
Sa nakasanayan nilang pagtatapon
ng salapi tuwing magbabagong taon
bagama’t batid na natin ang ganitong
pagpapaputok ng mga rebentador
Ay walang maaring posibleng hantungan
kundi ng disgrasya’t mga malulubhang
pinsala na puede nilang ikamatay
kapag tigas ng ulo ang umiral.
Tulad na lang nitong halos ay madurog
ang kanilang kamay sa biglang pagsabog
ng ‘pla-pla’ at iba pang uri ng ‘fireworks’
na animo’y bomga kapagka sumabog.
At kung saan kapag ya’y minalas-malas
Ay di lang sarili ang mapapahamak,
Kundi pati na rin d’yan ang propriedad
Nitong nadamay sa isang komunidad.
Kaya naman hayan, ilang biktima na
ng ganyang klase ng paputok sa tuwina
itong naputulan ng daliri nila,
kundi man ng buong kamay nitong iba?
Na kung saan dulot nito’y pagsisisi
At panghihinayang na lang bandang huli
Ang mararamdaman mismo sa sarili
Nitong sa sunog ay naging ugat pati.
Kaya nga’t kung tayo itong tatanungin
hinggil sa ganyan ay mas makabubuting
ang mga pabrika ng ‘fireworks’ marahil
itong marapat na ipasara natin.
Sanhi na rin nitong anhin mang bawalan
ng ating gobyerno ang may pagawaan
nitong iba’t-ibang klaseng paputok d’yan,
sila’y patuloy pa ring gumagawa n’yan
ng pinagbabawal na klaseng paputok,
bagama’t mahigpit na pinag-uutos
ng pamahalaan itong mga ‘fireworks’
na mapaminsala at mitsa ng sunog.
Gaya halimbawa nitong kamakailan
ay nangyari d’yan sa parte ng Bulakan,
ilang mag-anak ang biglang nangamatay
sanhi ng pagsabog ng pinapasukan?
Kaya kung talagang ang ating gobyerno
ay seryoso hinggil sa bagay na ito,
bakit hindi itong proprietor n’yan mismo
ang hulihin para magtanda ng husto?
At matuto silang sundin ang marapat
na nasasaad sa panuntunang batas
upang ang balana’y manatiling ligtas
sa ikapahamak sa lahat ng oras!