Home Headlines Paghilom, alyansa ng Pilipinas, Amerika diwa ng Labanan sa Quingua

Paghilom, alyansa ng Pilipinas, Amerika diwa ng Labanan sa Quingua

482
0
SHARE

PLARIDEL, Bulacan (PIA) — Pinatunayan sa nakalipas na 125 na taon ng naging Labanan sa Quingua sa ngayo’y bayan ng Plaridel sa Bulacan na maaring magkaroon ng paghilom at maging magkaibigan ang dating magkalaban.

Iyan ang tinuran ni National Historical Commission of the Philippines (NHCP) Senior Curator Jose Ruel Paguiligan ng Museo ng Republika Filipina 1899 sa ginawang programang pang-alaala kaugnay ng nasabing labanan na bahagi ng Philippine-American War.

Ipinaliwanag niya na ang dating kalaban na Amerikano ay isa nang kaibigan at kaalyado sa kasalukuyang ipinaglalaban ng Pilipinas para sa teritoryo at soberanya.

Patunay dito ang pagiging pinakamatandang treaty ally ng Estados Unidos sa Asya ang Pilipinas mula nang malagdaan ang Mutual Defense Treaty noong 1951 sa pagitan ng dalawang bansa.

Bukod rito, nasa 21 taon nang isang Major Non-NATO (North Atlantic Treaty Organization) Ally ng Amerika ang Pilipinas.

Ang mga positibong pagbabagong ito sa relasyon ng dalawang bansa ay malayung-malayo noong mga taong 1899 hanggang 1902 sa kasagsagan ng Philippine-American War.

Base sa mga batayang pangkasaysayan ng NHCP, naganap ang Labanan sa Quingua nang umusad na sa Bulacan at Pampanga mula sa Maynila ang pwersa ng mga Amerikano sa ilalim ni General Elwell Otis.

Ang unang pulutong ng American cavalry na pinamumunuan ni Major Franklin Bell ay pinasabugan at sinagupa ng pwersang Pilipino sa ilalim ni Heneral Gregorio Del Pilar.

Pinangunahan ni Mayor Jocell Aimee Vistan-Casaje (pangatlo mula sa kanan) ang pag-aalay ng bulaklak sa Dambana ng Labanan sa Quingua sa Barangay Agnaya sa Plaridel, Bulacan sa paggunita sa Ika-125 Taong Anibersaryo ng nasabing labanan na bahagi ng Philippine-American War. Sinamahan siya ni National Historical Commission of the Philippines (Senior Curator Jose Ruel Paguiligan ng Museo ng Republika Filipina 1899 (nasa dulong kanan). (Shane F. Velasco/PIA 3)

Dahil dito, tumulong sa American Cavalry ang 1st Nebraskans na pinamumunuan ni Colonel John Stotsenburg, 51st Iowa sa ilalim ni Irving Hale at ang Utah Battery Artillery.

Muli namang nagkasagupa ang mga bagong dating na pwersang Amerikano at ang mga rebolusyonaryong Pilipino sa ilalim ni Colonel Pablo Tecson.

Dito napatay ang Amerikanong si Stotsenburg at iba pa niyang mga kasamahan noong Abril 23, 1899.

Bagamat nagtagumpay sa unang bahagi ng labanan ang mga rebolusyonaryong Pilipino, napasakamay pa rin ng mga Amerikano ang Pilipinas bilang kanilang kolonya.

Gayunpaman, para kay PMayor Jocell Aimee Vistan-Casaje na pinatunayan ng ating mga ninuno kung gaano sila katatapang at katindi ang kanilang pagmamahal para sa kalayaan ng bayan.

Kaugnay nito, isinailalim sa restorasyon ang dambana ng Labanan sa Quingua sa Barangay Agnaya.

May halagang P1 milyon ang inilaan ng pamahalaang bayan sa proyektong ito noong 2023.

Ang Quingua ay dating pangalan nitong bayan bago tawaging Plaridel sa karangalan ng bayaning si Marcelo H. Del Pilar noong 1937. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here