To whom it may concern

    822
    0
    SHARE
    Dito sa amin sa barangay Mabagal
    ng sinag ng Araw, Dagat at saka Buwan,
    Sa dilang mapalad ay kabaligtaran
    ang kalagayan ng aming kabarangay

    Sa mga opisyal na dapat tumingin
    at mangalaga sa kabarangay namin
    na marapat bigyan ng matamang pansin
    kapagka sila ay mayrung suliranin

    O anumang bagay na marapat nilang
    idulog kay Kap sa oras na kailangan,
    Sapagkat bago mo makapa sa bahay
    baka mag-antay ka ng matagal-tagal

    Sa dahilang kundi nasa sugalan siya
    (na karaniwan niyang libangan sa t’wina)
    Malamang kahit na lubhang mahalaga
    ang ating sadya ay ipagpabukas na.

    Kasi di magawang tumayo sa Kuaho
    ni Kap lalo na kung siya’y natatalo,
    At kahit naroon ka sa harap nito
    ay ni hindi ka n’yan papansining piho.

    At maging ang kanyang pinaka-Kalihim
    ay di mo rin basta makuhang tawagin
    para mamagitan kung saka-sakaling
    ang ilalapit ay tawag ng tungkulin.

    Gaya halimbawa kung ika’y kukuha
    ng barangay clearance sa mismong bahay niya,
    Madalas lalo’t kung may ginagawa siya,
    mahahalata ang pagiging suplada.

    (Gayong umano ay dalawampung piso
    ang isinisingil ng walang resibo,
    Kaya natural lang sa bulsa niya mismo
    napupunta lahat ang kolksyon nito!)

    Kung ganyan ang klase ng mga opisyal
    ang mapili nating sa puesto ilagay,
    Sa palagay kaya nati’y may tsansa pang
    umunlad ang alin pa mang pamayanan?

    Idagdag pa natin ang mga Kagawad,
    na ni hindi rin n’yan magawang maharap
    daluhan ang ‘session’ sa loob ng apat
    o anim na beses, magbitiw na dapat

    Sa tungkulin upang ang pamahalaan
    ay di palagi nang talo sa paraang
    animo ay pandarambong na rin minsan,
    sa dahilang sila ay sinusuwelduhan

    Ng wala rin naman silang ginagawa
    kundi ng ika nga’y basta tumunganga
    at maghintay yan sa hulog na biyaya
    ng nakatataas na mas pinagpala!

    Sa totoo lang ay marapat din namang
    maipabatid sa kinauukulan
    ang isinulat na pagbubunyag bilang
    ni ‘yours truly’ hinggil sa isyung naturan.

    Na nararapat ding malaman siguro
    ng mga Councilors at Vice Mayor mismo
    ng alin mang bayan sa panahong ito
    na ang ‘RATA ’ nila ay namimiligro

    Na di makukuha n’yan o matatanggap
    Kapag sa ‘session’ ay lumiban at sukat;
    At kahit dumalo kung ‘absent’ ang apat
    O higit pa’t walang ‘qurorum’ na naganap

    Ang lahat pati na ang palaging ‘present’
    sa ‘session’ ay damay sa parating ‘absent,’
    ‘As no one can receive even a single cent
    for any scheduled session unattended!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here