Unipormeng walang bulsa

    361
    0
    SHARE
    Tandang-tanda ko pa noong 2004,
    May nagpanukala na r’yan ng ganitong
    ‘Bill’ na diumano ang tunay nitong layon,
    Alisan ng bulsa ang police uniform!

    Sabi ko, ang daming dapat ipairal
    Na makabubuti sa’ting kapulisan,
    Ano’t sa ganito pang pamamaraan
    Ninanais natin silang ‘mabihisan’?

    At anong magandang epekto ika ko
    Sakali’t ya’y maging batas mang totoo,
    Kundi ng posibleng malaking insulto
    Sa men in uniforms ang bagay na ito?

    Ang alisan sila ng bulsa di angkop
    Na solusyon laban sa pangungurakot,
    Pagkat kahit yan ay hubaran mong lubos
    Ay may mapaglagyan para makaraos.

    Manapa ang dapat isulong marahil
    Ng mga Solon po nating magagaling
    Ay makapagpasa yan ng kakaibang ‘bill’
    Na mas epektibo sa pananaw natin.

    Bakit hindi sahod nila ang isulong
    Na maumentuhan upang sa ganoon
    Ay di maisipan n’yan ang pangongotong
    At iba’t-iba pang dilhensya sa ngayon?

    At di gaya nitong ang kuwarta ng bayan
    Ang ninanakaw ng mga masisiba riyan
    At ika nga’y mga walang kabusugan
    Nating ibang nasa palingkurang bayan.

    Kung saan pa mandin itong matataas
    Ang posisyon sa gobyerno ang matatalas
    Ang gunting sa grabeng pagdukot, paglaslas
    Sa kabang-bayan ng bansang Pilipinas!

    Upang ang gaya r’yan nitong pati barya
    Ay kinukuha sa tsuper na biktima
    Ng pangongotong ay lubos mawala na
    Kapag nabigyan ng sahod na maganda.

    At ang isa pa r’yang dahilan kung bakit
    Dumami ang mga ‘hulidap’ na pulis
    Ay dala na rin ng kung sino ang higit
    Malaki ang kita sa Senate at Congress

    Ang siyang kapural ng nakawan ika nga,
    Kaya kanino pa matututo kaya
    Ng wasto’t marapat ang nasa ibaba
    Kung ang nakikita nila ay di tama?

    Kung inaakala r’yan ng ibang Solon
    Na ang ‘no pocket uniform’ ang solusyon
    Upang matigil ang grabeng pangongotong
    Ay maling-mali po sila ng opinyon.

    Kasi hangga’t itong mga lider mismo
    Nitong Inangbayan natin Kabayan ko
    Ang walang bagay na maiturong wasto
    Sa lahat ng nasa sangay ng gobyerno

    Hanggang sa tuluyang mundo ay magunaw
    Ay di mawawala r’yan ang magnanakaw
    Na opisyal natin hangga’t ito mismong
    Ilang ‘lawmakers’ ang kwenta kontradiksyon

    Ng mga batas na dapat ipa-iral
    Na sila rin bale ang ‘law breakers’ minsan,
    Kaya dumarami ang mga tulisan
    Na naglipana r’yan sa kapaligiran

    Dala palibhasa nitong sila-sila
    Ang author mismo ng batas na pinasa,
    Natural lamang na ligtas yan tuwina
    At walang anumang kapanga-pangamba!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here