Di na lingid sa ‘kin kung sinu-sino pa
Ang naging governor dito sa Pampanga
Magmula kay Lingad hanggang kay Pineda
Kung kaya batid kong higit kaninuman
Sa mga naunang punong lalawigan
Ay natatangi at pinaka-popular
Ang ating Governor sa kasalukuyan.
Na dili’t iba nga ay si ‘Nanay Baby’
Kung tawagin siya ng nakararami;
Na ang kagalingan niya sa pagsisilbi
Ay talaga naman ding kapuri-puri.
Pagkat maliban sa siya’y napakasipag
Ay ‘visible’ lagi’t madaling mahanap;
Kung wala sa opis, tiyak nasa labas
At ‘official duties’ din ang kanyang lakad.
Kung saan pati na malalayong lugar,
Na di narating ng dating nanungkulan
(Kundi kung panahon lamang ng halalan)
Ay paisa-isa niyang pinupuntahan
Upang personal na maihatid ni Gob
Ang anumang puedeng maitulong lubos,
Minsan pati liblib at gilid ng bundok
Nararating para lang may mai-abot.
(Di gaya ng ibang ni ‘flag ceremonies’
Ay di madaluhan kung araw ng Lunes;
At madalas ‘absent’ na yan hanggang Biernes
Kaya di makapa sa kanilang opis.
Lalo ang pumalit kay Governor Bren Guiao
At ang pinalitan ng priest-turned governor,
Yan madalang pa sa kidlat sa tag-araw
Kung sila’y madatnan natin sa Capitol).
Pero si ‘Nanay’ ay abot-kamay lamang
Para harapin ang kanyang katungkulan,
Bilang isang tunay na ‘public official’.
Na may malasakit sa nasasakupan.
At kahit holiday, Sabado at Linggo
Ay makikita siyang nasa Kapitolyo
Kapag ang probinsya ay namimiligro
Sa baha o kaya malakas na bagyo.
Para pangunahan ang ibang opisyal
Sa anumang bagay na kinakailangang
Maihanda para lubos maiwasan
Ang sakuna’t matinding kapinsalaan.
Sinong naging gobernador ng Pampanga
Ang gumawa na ng tulad ni Pineda,
Gaya na lang nitong pagpapa-opera
Ng libre sa lahat ng may katarata?
Lalo pa’t sa ating mga kababayan
Na di makaya ang pagpapa-ospital,
Yan ay nabigyan ng atensyong medikal
Sa pamamagitan ng tulong ni ‘Nanay’.
Partikular itong sa araw-ataw na
Ginawa ng Diyos sila’y pumipila
Sa punong tanggapan ng Gobernadora,
Na ang karamihan bitbit ay reseta.
At sino maliban kay Lilia Pineda
Ang namigay sa bawat barangay pala,
Ng mga sasakyan na bagung-bagong pa,
Kundi ang butihin ding Gobernadora?
Upang ang barangay council may magamit
Bilang ‘service vehilce’ sa lahat ng saglit,
Gaya halimbawa kung may magkasakit
Na kinakailangang sa ospital ihatid.
Kaya para siya makuhang talunin
Ng kahit sino pa ‘comes year 2016,’
Ngayon pa lamang ay masasabi nating
Sa kangkungan lahat sila pupulutin!