Sinong dapat sisihin?

    356
    0
    SHARE
    Ang aba n’yong lingkod ay di Abogado
    O empleado man lang sa ating husgado,
    Pero nang dahil sa pagka-usisero
    Ni ‘yours truly’ sa ibang nagtutungo rito

    Para daluhan ang naka-takdang ‘hearing,’
    Marami-rami na ang naringgan natin
    Nitong iba’t-ibang reklamo at daing
    Hinggil sa usad-pagong nilang usapin.

    Ganito anila: halimbawang ikaw
    Ay may bista ka r’yan sa ganitong araw,
    Walang katiyakan na matutuloy daw
    Sa kadahilang baka mabantilaw.

    Nand’yan ang posibleng mag-‘file’ ang isa riyan
    Ng kung anong ‘Motion’ para ipaliban;
    At may mga Piskal na kahit alam n’yan
    Na may bista siya tamad pumasok yan.

    Ganun din naman ang ibang Abogado,
    Na kahit may ‘hearing’ ng naka-‘set’ ito
    Sa ganitong araw sa isang munisipyo,
    Madalas may bista rin sa Kapitolyo.

    Kaya papaano niya magagawang
    Siputin pareho kung magkalayo yan?
    Suma-total ang posibleng kahantungan
    Ay wala maliban sa mapo-postpone lang.

    Yan ay matagal na at dati ng sakit
    Sa alin pa mandin yatang ‘Court of Justice’;
    Minsan si ‘Your Honor’ itong biglang ‘on-leave’
    Kahit pa may ‘setting’ siya ng paglilitis.

    Alalaon baga, sa puntong nasabi
    Ang lahat ng ito dagok sa kliyente,
    Matuloy o hindi ang bista ng pobre
    Tiyak sisingilin yan ng ‘Attorney’s fee’.

    At ayon na rin sa kuwento nitong ilan
    Na aking personal na nakapanayam,
    Mga Piskal daw po itong karamihan
    Na di sumisipot sa bista kung misan.

    May mga Attorney din naman daw yata
    Na ni kaunting pabor minsan di magawa
    Ang sana kapagka’ na-postponed ng bigla,
    Kalahati na lang o totally wala.

    At ang masaklap sa ibang Abogado
    Pagdating sa pera ay ubod ng listo,
    Pero pagdating sa harap ng husgado
    Animo ay pagong kung kumilos ito.

    Trabaho lamang Sir, walang personalan
    At walang direktang pinatatamaan,
    Kundi ang atin ay obserbasyon lamang
    Base na rin sa’ting naging karanasan.

    Tulad na lang ng napakasimpleng kaso
    Ng ‘relocation’ ng lupa ng anak ko,
    Aba’y umabot ng taon sa husgado
    Bago naresolba o natapos ito

    Sa kapo-postpone’ ng kabilang partido,
    Gayong hindi naman siya apektado,
    Buti na lang si ‘Judge’ niresolba nito
    Matapos magkusang siya’y sumama rito

    At ang ‘surveyor’ na aming kinomisyon
    Upang i-relocate ang mga ‘metes & bounds,’
    At matapos nga ay inihayag nitong
    Tapos na’t hintayin na lang ang desisyon.

    Kung ang lahat na ng Hukom ay kagaya
    Ng ating nabanggit na kusang sumama
    Sa ‘site’ para lamang n’yan madetermina
    Ang isyu, lahat madaling maresolba!

    (At walang kaso na aabot ng siyam-siyam
    Sa alin mang korte sa kasalukuyan,
    Sanhi lamang nitong ‘red tape’ kadalasan
    Na siyang sa ngayon ay tila umiiral!)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here