Kung magsalita si Senador Trillanes
akala mo’y ubod ng tino at linis
pero kung matamang suriin, kaparis
din siyang kawatan ng mga sumabit
Sa PDAF Scam na kinasasangkutan
ng ilang Senador at mga Congressman
na itinuturong nakipagsabuwatan
kay Janet Napoles na Reyna ng Scam
Na ngayon ay nasa piitan na sina
Juan Ponce Enrile, Jinggoy, Bong Revilla;
At siyempre pati na ang kanilang Reyna,
(Aywan lang kung sino ang isusunod pa).
Dala na rin nitong sa dinami-dami
nitong nasasangkot sa isyung nasabi
ay ang di kasangga lang ng Presidente
ang nakakulong na’t si Napoles pati.
Pero sa kakampi ng Administrasyon
ay ni isa’y wala pang ikinukulong,
kaya di malayong anino ni PNoy
ang ika nga ay posibleng kumakanlong?
Gaya halimbawa nitong si Trillanes,
na asa nga natin ay ubod ng linis,
pero sa kabila naman pala’y higit
ang pag-gawa rin ng di kanais-nais
Pilit nitong hinahanapan ng butas
si Jejomar Binay para mailaglag,
ngunit siya pala ay kahalintulad
din ng mga sabit sa kanilang PADAF
Na tinututulang ‘isuko’ kumbaga,
sa dahilang aniya’y kailangan talaga
na ma-‘re-align’ sa iba pang programa
ng gobyerno, tulad ng sa pang-eskwela
at binabatikos ang ibang kampo riyan
sa aniya’y “overpriced” na pagkabili n’yan
ng anumang bagay, gaya ng sasakyan,
pero siya man pala ay may gawang ganyan?
Eh, bakit nga hindi natin masasabi
Na kawatan siya sa puntong nasabi,
Kung ‘overpriced’ din ang umano’y binili
Nitong ‘multi-cabs’ na ang presyo’y dumoble?
Na pinalabas niyang tatlong daang libo
ang presyo ng bawat isa, gayong ito
ay tig-isang daan anim-napung libo
lang ang bawat isa, ang tunay na presyo?
Di ko inaalis na posibleng siya
ay sinisiraan lamang nitong iba,
pero kung totoong malinis nga siya
aba’y harapin ang akusasyon nila.
At di sa batuhan na nga lang parati
ng putik at ibang paninirang puri
itong sa atin ay palaisipan pati,
kaya maglubay na hangga’t maaari.
Pagkat sawa na nga itong taongbayan
sa pinag-gagawa n’yong kabulastugan
at walang habas na pagbulsa sa yaman
nitong ating bansa sa galing n’yong taglay.
Kaya lang kung ganyang tila ay “selective
justice” yata itong umiiral labis
sa kamay ni PNoy at kasanggang dikit,
ang di kabagang lang ang tiyak mapipiit
Sa dina-dami nitong akusado
sa ‘graft & corruption’ ng nasa gobyerno;
Na basta kakampi ng ating Pangulo
ay pihong ligtas sa anumang asunto.
Kung kaya marahil itong si Trillanes
ay kampante lang sa isyu ng ‘overpriced’
nitong ‘multi-cabs’ na umano ay muntik
nang dumoble ang presyo ng bawat unit!?