Monkey business

    445
    0
    SHARE

    Tama lang marahil at siyang nararapat
    isagawa ni DILG Sec Roxas
    laban sa ibang mga Alagad ng Batas
    ang ‘lifestyle check’ at ‘strategy on tax’

    Sa kanilang hanay na hinihinalang
    malakas kumita’t madaling yumaman,
    gaya nitong ibang mga Heneral diyan
    na may mansion saka magarang sasakyan.

    Gayong hindi naman anak ng maykaya
    sa buhay ang ilan, at dating mapera;
    Ya’y natural lang na nakapagdududa
    kung yan ay sagana ngayon sa lahat na.

    Kaya kayong may ‘illegal activities’
    at nahirati na sa ‘monkey business’
    ay maghanda-handa na sa ‘lifestyle check’
    ni BIR Commissioner Kim Henares

    At ni Interior Secretary Mar Roxas
    na inaasahang ibubulgar lahat
    ang may tagong yaman at ayaw iulat
    sa kanyang SALN ang (kita sa di patas?)

    Partikular na ang ‘high ranking officials’
    na gumagasta riyan ng higit sa dapat
    kitain niyan bilang isang otoridad,
    kaya sa “lifestyle check” ay hindi ligtas

    Ang may ‘illegal’ na kita o gawain
    sa kung anong kanyang hawak na tungkulin,
    Tulad na lang nitong PNP Chief natin,
    na ngayon ay tila igigisa na rin.

    Dahilan na rin sa mga natuklasang
    magagarang bahay niya sa ibang lugar,
    Partikular na ang mansion ni General
    sa may San Leonardo ng Nueva Ecija riyan.

    Di ko sinasabing galing sa ‘Hulidap”
    ang ‘multi-millions of pesos’ nitong hawak,
    Pero ano’t itinatago sa lahat
    ni Purisima kung di galing sa sikwat?

    At saka bakit di niya isinama
    sa kanyang SALN ang lahat ng ‘assets’ niya
    kung tunay ngang walang tinatago siya
    sa mata ng bayan at lahat-lahat na?

    Yan ba ang klase ng pinuno pa mandin
    ng kapulisan ang dapat tangkilikin
    at ayaw ni PNoy na siya’y sipain,
    gayong wala rin siyang ginawang magaling?

    Anong klase pati riyan ng ‘good leadership’
    ang maa-asahan kina PNP Chief
    Alan Purisima’t ibang opisyales
    kung sila mismo ay may mga ‘malpractice?’

    At sila na dapat ay maging huwaran
    sa gawa at lahat ng mabuting bagay
    ay sila pa itong kapural kung minsan
    nitong pandaraya na di karampatan?

    Kung kaya pati na matitinong pulis,
    na tunay naman ding tapat at malinis
    ay damay sa gawang di kanaisnais
    ng ibang kabaro nilang utak ipis.

    Sa puntong ito ay ninanais nating
    kay PNoy ay lubos na maiparating
    ang panawagan na sana ay sipain
    na si Purisima sa kanyang tungkulin

    At ang lahat na ng mga nagkasala
    ng pangongotong at saka ‘hulidap’ pa,
    ipakulong na at huag bigyan ng tsansa
    na makabalik yan, pagkat marumi na.

    At itong ‘lifestyle check’ na tinatawag
    ay siyang patuloy na isagawa dapat,
    nang sa gayon ang maruming aktibidad
    na “monkey business” mawala na’t sukat!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here