Ang paniniwalang ating kinagisnan
na pamahiin at mga kawikaan
buhat sa ninuno nating pinagmulan,
saan kaya nila ito ibinatay?
Datapwat ang agham ay may paliwanag
sa mga aspeto ng kanilang tuklas
sa pagsasaliksik nilang walang puknat,
may hiwaga pa rin sa likod ng lahat.
Mga pamahiin kahit saang lugar
magpahanggang ngayo’y di matalikuran,
ito man ay muni o katotohanan,
bakit di magawang dito ay sumuway?
Kapag may umalis habang kumakain
ang mga plato raw ay dapat ikutin
upang ang aalis ay hindi malasin,
ayon din sa isa nating pamahiin
At kapagka’ buntis ang isang may-bahay,
ang asawa nito’y di dapat maghukay
dahil masama raw ang magiging lagay
ng bata sa loob ng sinapupunan
Habang nagluluto ay huwag aawit
sa harap ng kalan, baka mapa-ibig
ang isang matandang di mo ninanais,
at hindi mo gustong maka-isang dibdib
Masama rin daw ang manaog ng unan
pagkagat ng dilim sa silong ng bahay;
Ang itlog sa pugad kapag nilindol yan,
hindi mapipisa’t magiging inakay
Kapag naglipana mga gamu-gamo
ay tag-ulan daw ang kahulugan nito;
Ang bilin pa nila’y hwag batiin ito,
at lalong darami ang mga insekto
Ibat-ibang klaseng mga pamahiin
ang noon pa man ay naririnig natin;
Yan hanggang ngayon ba’y kailangan pang sundin
o ito ay dapat nang bale-walain?
Subalit kay rami pa ring sinusunod
sa pamahiin na kay hirap matalos
ang lohikang dito ay nakapa-loob,
walang masama sa ipinag-uutos
Ngunit kakaiba yaong kasabihan
mga talinhagang may taglay na aral;
Ang lahat ng ito’y mayroong basehan
at hango buhat sa mga karanasan.
Katulad ng kahoy na babad sa tubig
sa dila ng apoy kapag inilapit,
ng dahil sa hindi matingkalang init
ito’y madadarang kusang magdirikit.
Walang kalabaw ang hindi nabahiran
ng putik sa lusak nitong nilubluban;
Ibon sa pinitak ay hindi tatagal
kung walang palakang dito’y naglisawan
Walang taong banal ang hindi lumapit
sa bukas na kaban na kanyang nasilip;
At kapag ang ulan naman ay tikatik
ito ang matinding magdulot ng putik
Mga pamahiin man o kawikaan
bahagi ito ng kultura ng bayan
habang umuusod itong kaunlaran,
nakasunod pa rin at di naiiwan…..
Vhelle V. Garcia
July 7, 2013
Abu Dhabi, United Arab Emirates