‘No plate, no travel policy’

    303
    0
    SHARE

    Kung taga LTO itong nanghuhuli
    Sa may pagitan ng private cemetery
    Ng Sto. Domingo at Balangkas, pati
    Itong aywan lang kung mga military

    O pulis, pero ya’y naka-uniporme
    (Ng camouflage at di ng LTFRB
    Na lubhang pamilyar at kung anong klase)
    Ang pumara sa’min at hiningan kami

    Ng ‘permit to travel’ ay di ko malirip
    Kung taga LTO nga o mga pulis,
    Na ‘deputized’ ng ating Comelec opis
    Para sa ‘gun ban’ na ngayon ay mahigpit
     
    Ang pagpapatupad, kung kaya hinarang
    Kami at sisiyatin hinggil sa naturan,
    Yan sa ganang akin ay wala sa lugar
    Kung ‘permit to travel’ ang pag-uusapan.

    Pagkat di marahil hurisdiksyon nito
    Ang kwestyonin kami hinggil sa rehistro,
    Plaka ng sasakyan at kung anu-ano,
    Dahilan na rin sa ito’y bagung-bago

    Nakadikit pa ang conduction sticker
    Sa gawing likuran at kita ang namber
    Pati na trade name ng sikat na car dealer,
    Na nakalagay sa dapat ay Plate No. 

    Kasi nga, ‘usual’ na ang kalakarang yan
    Sa kahit alin mang ‘car dealer,’ kabayan;
    Kung kaya para mag-usisa ng ganyan
    Ang sinuman yan ay kawalan ng muwang

    Sa mga ‘existing rules and regulations’
    Ng LTO at ng tauhan ng Commission
    On Elections hinggil sa kung anu-anong
    Dapat isagawa sa kanilang Checkpoints.

    Alalaon baga, kung para sa ‘gun ban’
    Ay huwag na lang sana nilang pakialaman
    Kung rehistrado o hindi ang sasakyan
    Pagkat may angkop na ahensya para r’yan.

    Kaya di man dapat… para lang tumigil
    Itong opisyal na lumapit sa amin.
    Ang ‘permit to travel’ na bigay sa akin
    Ng Carworld at yan ay officially galing

    Sa LTO mismo, pinakita ko na
    Sa isang tanda ko ay ‘certain’ Maduma
    Ang ‘surname’ niyang malinaw na nakaburda
    Sa kanang dibdib ng uniporme niya.

    At sinundan ko ng pag-abot ng dyario
    Sabay sa pagwikang “Peryodista ako
    Kaya alam ko ang tamang reglamento
    Hinggil sa bagay na inuurirat mo”  

    Kasi nga kung siya’y LTO Officer
    O ika nga’y LTFRB personnel,
    Marapat lamang na kabisado ni Sir
    Ang SOP tungkol sa’ting subject matter;

    Na karaniwan ng kalakaran ngayon,
    Puera lang marahil sa “segunda manong”
    Sasakyan na dapat ay ‘up-to-date’ itong
    Mga ‘stickers’ niyan at ang ‘registration’.

    Kaya marapat lang sa puntong naturan,
    Ang lumagay tayo sa dapat kalagyan
    Upang ang anumang pag-aalinlangan
    Ng bawa’t-isa ay mapawing lubusan.

    Di ba’t tama lang na kung ang hinaharang
    At sinisita ay patungkol sa ‘gun ban’
    Ay siyang nararapat na tutukan lamang
    Upang ang tamang protocol ang umiral?

    O sadyang ang ‘no plate, no travel policy’
    Ay kasama yan sa kinukwestyon pati
    Nitong aywan lang kung yan ay military,
    Pulis, LTO at/o LTFRB? 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here