(Karugtong ng sinundang isyu)
Sapagkat di lamang itong residente
Na nasa paligid itong tutol bale,
Kundi ang iba pang kabarangay pati,
Sa balak itayong ‘private cemetery’
At di na naisip ni Kap ang posibleng
Epekto marahil sa matatakutin
Lalo na sa mga batang di na natin
Maaring utusan pagkagat ng dilim.
Kasi pagkaganda-ganda man siguro
Ng balak itayong isang sementeryo
Na nasa sentro r’yan ng barangay mismo,
Ya’y libingan pa rin sa mata ng tao.
Na tiyakang hindi aani kumbaga
Nitong ika nga ay lubusang suporta
Mula sa iba pang kabarangay nila,
Kaya huag na nitong ipagpilitan pa
Ang pasimpleng paghimok nito sa lahat
Na ng residenteng posibleng di payag,
Sa isang kunwari’y kanyang pinatawag
Na ‘public hearing’ ba namang matatawag?
Pero katulad nga ng inaasahan
Ay kwenta ang kanya pa ring kagustuhan
Itong pinilit maisakatuparan
Ni Kap, kahit tutol itong karamihan.
Pagkat ano’t tila siya’y pabor pa rin
Sa pagtatayo n’yan at halata mandin
Ang napakarubdob po nitong hangarin,
Kundi nabigyan ng anumang pakimkim?
At kung anu-ano ang pinangangako
Sa lahat para lang niya mapatango,
Kabilang na riyan ang kahit di dumayo
May trabaho kapag ito’y naitayo?
Eh anong posible kayang mapasukan
Nitong masisipag niyang kabarangay,
Liban sa isa o tatlong taga-hukay
Ng lupang ika nga’y libingan ng patay?
‘Crying ladies’ baga sa mga babae
O taga-gawa ng korona kung puede;
Gaya halimbawa riyan ng ‘water lily’
Na makukuha lang sa sapang katabi.
At sa totoo lang kahit sementado
Ang pinaglalagyan ng patay sa nitso,
Tayo naman kaya’y nakasisiguro-ng
Di hahalo sa lupa ang katas-tao?
Kasi bunsod na rin ng laging pagbaha
Sa lugar na yan na malapit sa sapa,
Natural lang na masisipsip ng lupa
Ang anumang ‘liquid’ mula sa ibaba.
Bunga nito ano pa nga ba kabayan
Itong mangyayari sa kapaligiran
Kundi ng posibleng pati ang isda riyan
Sa katabing sapa duduming lubusan.
At kahit pa man yan ay isang moderno
O sabi’y “high tech” na klaseng sementeryo,
Yan kung minsan kahit sa malaking tao
Ay isang bagay na nagsisilbing multo.
Na di madaanan ng nakararami
Lalo’t kalaliman ng maulang gabi;
Puera lang marahil sa ibang lalaki
Na tumatapang kung katabi’y babae?!