LUNGSOD NG MALOLOS – Naghatid ng 800 toneladang bigas ang Taiwan sa Bulacan noong Huwebes (Marso 15) para sa mga nasalanta ng pagbahang hatid ng mga bagyong Pedring at Quiel halos anim na buwan na ang nakakaraan.
Bukod dito, 220 tonelada ng bigas ang ipinagkaloob noong Linggo ng Taiwan sa mga Lungsod ng Cagayan de Oro at Iligan na sinalanta ng pagbahang hatid ng bagyong Sendong noong Disyembre 16.
Ang paghahatid ng tulong ay tinawag na “Love from Taiwan.”
“This is a manifestation of Taiwan’s humanitarian assistance to Filipinos especially to the victims of recent typhoons,” ani Raymond Wang, ang kinatawan ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO) sa Pilipinas.
Sinabi ni Wang na ang mga bigas ay para sa mahihirap na pamilya upang matulungan silang makabangong muli.
“We earnestly hope that through our donation and collective efforts, we can assist families to recover and rise up once again, and I assure you, you are not alone, because we have love from Taiwan,” ani Wang na ang katumbas ng posisyon ay isang embahador.
Sa panayam, inamin ni Wang na ang paghahatid ng Love from Taiwan ay bahagi ng pagpapatibay ng relasyon sa pagitan ng Taiwan at Pilipinas.
Ngunit ang Pilipinas at Taiwan ay walang pormal na diplomatikong relasyon dahil sa one China policy.
Gayunpaman, binigyang diin ni Wang na sa halip na diplomatikong relasyon ang mapagtibay sa Pilipinas, binigyang diin niya na “We would like to enhance and promote close ties between our countries to maintain social and economic relations.”
Samantala, sinabi ni Cheng Lee ng Green Universe Development Corporation na kasama ni Wang, na maghahatid din sila ng 220 tonelada ng bigas sa mga nasalanta ng baha sa mga Lungsod ng Cagayan De Oro at Iligan sa Mindanao.
Ipinaliwanag niya na umabot ng halos anim na buwan na paghahatid ng tulong dahil sa ito ay ipinagkaloob ng libre ng pamahalaan ng Taiwan.
Ito ay nangangahulugan na mahabang proseso ang pinagdaanan sa burukrasya ng Taiwan.
Kaugnay nito, sinabi ni Gob. Wilhelmino Alvarado na ang 800 toneladang bigas mula sa Taiwan ay ipagkakaloob nila sa 8,000 pamilyang Bulakenyo. Ang bawat pamilya ay tatanggap ng tig-10 kilo.
Ito ay ipagkakaloob sa tig 1,000 pamilya sa walong bayan at lungsod sa lalawigan na naapektuhan ng pagbahang hatid ng bagyong Pedring at Quiel noong nakaraang Setyembre at Oktubre.
Kabilang dito ang mga bayan ng Hagonoy, Calumpt, Pulilan, Bulakan, Obando Paombong, San Miguel, at lungsod ng Malolos.
Ayon sa punong lalawigan, ang mga punong bayan ang tumukoy ng mga tatanggap ng Love from Taiwan.
“We will distribute it as donated to us, we will not add anymore goods, because it might be mistaken that the donation came from the local government units,” ani Alvarado.
Iginiit pa niya na titiyaking nilang hindi irere-pack ang mga bigas at hindi mababawasan.