DINALUPIHAN, Bataan — Nagpalitan ng “I do” ang 78 magsing-irog sa ginanap na hitik sa bulaklak na mass wedding sa bayang ito noong Martes.
Binansagang Kasalang Bayan 2023, idinaos ito sa Bulwagang Bayan ng Dinalupihan sa pangunguna ni Mayor Herman “Tong” Santos.
Mga pangunahing ninang at ninong sina 3rd District Rep. Maria Angela Garcia, Partylist Pusong Pinoy Rep. Jett Nisay, Vice Mayor Fernando Manalili, at mga kasapi ng sangguniang bayan.
Binati ni Congresswoman Garcia, dating punong bayan ng Dinalupihan, ang mga bagong kasal at pinayuhang huwag makakalimot sa Diyos at gawing masaya at puno ng pagmamahal ang pagsasama.
Sinabi ni Mayor Santos na ito ang pang-11 taon ng Kasalang Bayan ng Dinalupihan na naglalayong magbigay ng libreng civil wedding services sa mga nagsasamang hindi pa nakakasal.
Bukod sa libreng marriage license at certificate, ang mga ikinasal ay tumanggap din ng mga regalo mula sa kanilang mga sponsor at munisipyo.