Home Headlines 658 Bulakenyo benepisyaryo ng patrabaho, pangkabuhayan package ng DOLE

658 Bulakenyo benepisyaryo ng patrabaho, pangkabuhayan package ng DOLE

577
0
SHARE

May 658 Bulakenyo ang benepisyaryo ng iba’t ibang proyektong patrabaho at pangkabuhayan ng Department of Labor and Employment. (Shane F. Velasco/PIA 3)


 

LUNGSOD NG MALOLOS — May 658 Bulakenyo ang benepisyaryo ng iba’t ibang proyektong patrabaho at pangkabuhayan ng Department of Labor and Employment o DOLE.

Ayon kay DOLE Provincial Director May Lynn Gozun, bahagi ito ng umiiral na National Employment Recovery Strategy 2021-2022.

Pangunahin sa mga kalakip ang pamamahagi ng unang 10 bisikleta sa ilalim ng DOLE BikeCINATION Program, kung saan nauna ang Bulacan sa Gitnang Luzon na pinagbabaan nito.

Para ito sa mga bakunadong natukoy na pinakamahihirap batay sa Listahanan ng Department of Social Welfare and Development.

Nagmula ang mga benepisyaryo sa mga bayan ng Pandi, Santa Maria, Bulakan, Bustos, Calumpit, Guiguinto, Bocaue, Hagonoy at Baliwag.

Pinagkalooban sila ng bisikleta upang makapag-hanapbuhay sa pamamagitan ng pagdi-deliver ng mga food at non-food essential.

May kasama itong magandang kalidad na delivery box, bike safety gear at cellular phone na kailangan sa ganitong uri ng hanapbuhay.

Target ng DOLE na madagdagan pa ang bilang ng mga maipapamahaging bisikleta bago matapos ang taon.

Nasa 227 naman ang benepisyaryo ng Tulong Pangkabuhayan sa Ating mga Displaced/Disadvantage Workers o TUPAD kung saan nagkaroon sila ng emergency employment gaya ng paglilinis ng mga kanal, pagtatabas ng mga nagtataasang damo, iba’t ibang uri ng beautification at iba pang kailangang maisaayos sa kani-kanilang mga barangay.

Samantala, may limang milyong pisong halaga ng iba’t ibang livelihood package ang ipinagkaloob ng DOLE.

Kabilang dito ang 50 para sa welding, 40 para sa hilot wellness, 20 para sa bread and pastries, 50 para sa sewing at 3 NegoKarts.

Ang mga benepisyaryo ng mga livelihood package ay binigyan ng libreng pangkabuhayang kasanayan ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office.

Kasabay nito ang pagtatapos ng nasa 50 mga kabataan na nabigyan ng pansamantalang trabaho habang nakabakasyon sa ilalim ng Special Program for Employment of Students.

Sinabi pa ni Gozun na may hiwalay pang 200 slot na inilaan sa TUPAD Program at 11 mga NegoKart para sa mga katutubong Dumagat sa barangay San Mateo sa bayan ng Norzagaray.

Binuksan din ng DOLE ang pagkuha para sa karagdagang mga contact tracer  na nilaanan ng 20 milyong piso sa ilalim ng TUPAD. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here