LUNGSOD NG PALAYAN (PIA) — Umabot na sa 56 na paaralan sa Nueva Ecija ang nag-aalok ng Special Education (SPED) program.
Ito ang inilahad ni Nueva Ecija Schools Division Office (SDO) Education Program Supervisor Evelyn Solis sa isinagawang talakayan bilang paggunita sa ika-45 National Disability Prevention and Rehabilitation Week sa lalawigan.
Inilahad ni Solis na may 17 paaralan na sa unang distrito ang nag-aalok ng SPED habang pito naman sa ikalawang distrito, at tig-16 sa ikatlo at ikaapat na distrito.

Pahayag ni Solis, hangad ng Kagawaran ng Edukasyon na magkaroon ng SPED program sa mga paaralan sa bayan ng Carranglan at Talugtug dahil ito na lamang ang mga bayan na hindi pa nag-aalok sa lalawigan.
Hinihikayat ni Solis ang mga magulang at kamag-anak ng mga batang may espesyal na pangangailangan na i-enroll sila sa paaralan upang maturuan ng mga kaalaman at kakayahan na maaari nilang magamit hanggang sa mga susunod na panahon.
Dagdag pa ng superbisor, hindi dapat mangamba ang mga magulang o kamag-anak ng mga batang ito dahil tinitiyak ng mga paaralan ang tamang pangangalaga sa kanila, gayundin ang proteksyon upang hindi sila maapi.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan ang mga magulang o kamag-anak sa SDO Nueva Ecija hotline na may numerong (044) 940-3121 o personal na magtungo sa pinakamalapit na paaralan. (CLJD/MAECR-PIA 3)