Home Headlines 5 tricycle inararo ng minibus

5 tricycle inararo ng minibus

1422
0
SHARE

Bagsak ang konkretong poste kasama ang transformer na binangga rin ng minibus matapos suyurin ang limang tricycle. Kuha ni Ernie Esconde



MARIVELES, Bataan
Wasak na wasak ang unahang bahagi ng isang minibus at bahagyang nasugatan ang driver at konduktor at nagtamo lamang ng galos ang mga pasahero nito matapos suyurin ang limang nakaparadang tricycle sa tabi ng kalsada dito Linggo ng umaga.

Ayon kay Gerome Ronquillo, sangguniang kabataan chairman ng Barangay Maligaya, hindi naman malalang nasugatan ang mga tauhan ng minibus at limang pasahero nito na agad nilapatan ng lunas ng mga rumesponding medics.

Ang mga driver ng limang tricycle ay hindi nasaktan. “Naalarma na ang mga tricycle driver nang sumalpok na ang mini-bus sa pader sa kalsada kaya nagtakbuhan na ang mga ito para makaiwas,” sabi ni Ronquillo.

Ayon kay Ronquillo, natanggap nila ang report na may aksidente bandang alas-5 ng umaga kaya agad silang sumaklolo.

Lima pa lamang umano ang sakay ng minibus dahil kasalukuyan pa itong namimik-up bilang service vehicle ng mga factory workers sa katabing Freeport Area of Bataan.

Batay sa report ng Mariveles police, habang bumaba ang sasakyan sa pabulusok na bahagi ng kalsada, bumangga ito una sa kongkretong bakod na naging dahilan upang maputol ang isang sementong poste ng kuryente.

Tuloy-tuloy ang mini-bus na minamaneho ni Manuel Carinola ng Orion, Bataan sa pagbulusok hanggang araruhin nito ang limang nakaparadang tricycle at banggain ang isa pang poste ng kuryente at punong-kahoy.

Sa lakas ng pagkabangga, bumagsak ang transformer ng kuryente.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya, sabi ni Mariveles police chief Col. Nestor Chavez.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here