Home Headlines ‘5 Lasa’ ng Bulacan, inendorso ng DOT-TPB bilang bagong food tourism packages

‘5 Lasa’ ng Bulacan, inendorso ng DOT-TPB bilang bagong food tourism packages

110
0
SHARE
Hitik sa masasarap na mga pagkain at lutuing Bulakenyo ang inihain sa mahigit na 300 na mga tour guides na delegado sa 13th National Tour Guides Convention na ginanap sa lungsod ng Malolos at inilibot din sa tinaguriang '5 Lasa ng Bulacan' na pawang mga food tourism packages. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pormal nang inendorso ng Department of Tourism (DOT) sa pamamagitan ng Tourism Promotions Board (TPB) ang kampanya para sa tinaguriang ‘5 Lasa ng Bulacan’ sa 13th National Tour Guides’ Convention 2026 na ginanap sa lungsod ng Malolos.

Sa pahayag ni DOT Regional Director Richard Daenos sa plenaryo ng nasabing convention, isa itong kumpirmasyon na may panlaban ang Bulacan sa larangan ng gastronomy bukod sa mga tradisyunal na puntahan para sa mga makasaysayang lugar at pangkultura.

Malaking ambag aniya ito sa bisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang maabot ng Pilipinas ang pagiging isang tourism powerhouse pagsapit ng taong 2028.

Ito ay pawawang mga ‘food trip’ tourism package na regular nang iniaalok sa mga travel agencies at iba’t ibang uri ng turista.

Kabilang ito ang Lasang Katubigan, Lasang Kalinangan, Lasang Kabayanan, Lasang Kaunlaran at Lasang Kabundukan.

Nakapaloob sa Lasang Katubigan ang ‘food trip package’ ang Calumpit, Bulacan kung saan matapos bumisita sa Simbahan ng Calumpit na pinakamatandang simbahan sa lalawigan at makapag ‘Palengke Tour’ sa El Mercada de Calumpit, dadalin at papakainin ang mga turista sa Orante’s Floating Restaurant.

Bumabaybay ito sa kahabaan ng Ilog Angat kung saan kabilang sa mga inihahain ang mga kilalang pamosong luto at pagkain sa bayan tulad ng Longganisang Calumpit na tatambalan ng Sukang Paombong, Ulang at mga isdang nahuhuli sa mga tubig-tabang.

Habang kumakain sa paglalayag nitong floating restaurant, may magtatalakay sa kasaysayan ng ilog Angat bilang naging bahagi ng ruta ng Kalakalang Galyon sa Pilipinas mula 1565 hanggang 1815, at ang Labanan sa Bagbag noong 1899.

Sa Lasang Kalinangan, susundan ang pagbisita sa simbahan ng Barasoain at Kamistisuhan District ng pagkain sa Bistro Malolenyo kung saan matitikman ang mga ulam ng mga bayani gaya ng Pochero ni Marcelo H. Del Pilar, Tinola ni Dr. Jose P. Rizal, Nilagang Manok sa Gatas ni Pangulong Emilio Aguinaldo, Tempura ni Mariano Ponce at Nilitsong Manok sa Saha ni Andres Bonifacio.

Matapos nito, magkakape sa Malaya Café sa Bulakan, Bulacan kung saan tampok ang mga permanenteng eksibisyon tungkol sa bayaning si Marcelo H. Del Pilar na ipinanganak dito at nakilala sa pagiging Dungan ng Katipunan.

Mga minandal o meryenda naman ang matitikman sa Lasang Kabayanan at Lasang Kaunlaran tulad ng puto ng lungsod ng Meycauayan, mga kakanin ng Marilao at ang tinaguriang ‘Pansit Bakla Alanganin’ ng Bocaue.

Mayroon itong sidetrip sa Karilagan Stevia Farm sa nasabi ring bayan.

Habang sa Lasang Kabukiran at Kabundukan, hitik ang mga pagkain mula sa mga masaganang ani tulad ng Sumaon Inaon na inihahain sa Pulong Kabyawan sa Pulilan na kauna-unahang DOT-accredited farm tourism site sa Bulacan, Bibingkang Galapong ng Baliwag at Minasa ng Bustos.

Itinatanghal naman sa San Jose Del Monte ang tradisyunal na lutuin ng mga katutubong Dumagat.

Kaugnay nito, ibinalita rin ni Angelo Paulo Chico Orante, pangulo ng Central Luzon Tour Guides Association at tagapangulo ng 13th National Tour Guides’ Convention, na kalakip nitong ‘5 Lasa ng Bulacan’ food tourism ang organisadong ‘Palengke Tour’.

Sa puntong ito, dadalin ang mga turista sa mismong mga palengke upang mas maipaunawa ang mga kwento sa bawat ani ng mga magsasaka at mga huli ng mga mangingisda. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here