SUBIC BAY FREEPORT— Apat na mangingisda ang na-rescue ng isang foreign vessel makaraan ang kanilang sinasakyang fishing boat ay mawasak bunga ng habagat dala ng bagyong Maring sa Cabra Island, Occidental Mindoro may 22 nuatical miles south ng Grande Island.
Sa ulat ni PO1 Jorge Cosme, Coast Guard Detachment commander ng Olongapo, kinilala ang mga mangingisdang sina Henry Bausin, 29, ang boat captain, Danilo Mejia, 34, Nonoy Nugas, 29, at Marvin Magat, 32, pawang mga resdente ng Barangay Calapandayan, Subic, Zambales.
Ayon sa ulat, pumalaot noong August 17 ang mga mangingisda sakay ng F/B Alcris ll, nagsimula sa bahagi ng Mariveles, Bataan patungo ng Lubang fishing ground at sa kanilang pag-uwi noong August 21 ay nawasak na ang kanilang bangka bunga ng hampas ng malalaking alon.
Ang mga mangingisda ay nadaanan ng MV Virabhum sa may 22 milya ang layo sa Grande Island habang ang mga ito ay nagpapalutang-lutang sa dagat.
Ang mga nasabing mangingisda ay ligtas na at nakauwi na sa kani-kanilang mga pamilya.