Kinilala ng Sta. Maria PNP ang mga suspek sina Edward Flores, Richard Estabillo, Jefferson Policarpio at Emmanuel Gonzales, alyas Nognog, na ayon sa ulat ay leader ng grupo na isang notoryus na Akyat-Bahay.
Naaresto ang mga suspek matapos magsumbong sa kapulisan ang kanilang nabiktima na si Johnmark Estopace na bigla na lamang umanong sinuntok ni alyas Nognog sa leeg at tinutukan ng patalim at hinoldap.
Kinuha ng mga suspek sa biktima ang P400 cash at cellphone at agad na tumakas.
Ayon kay Supt. Ranier Valones, hepe ng Sta. Maria PNP, nagkasa sila ng follow-up operation at natunton ang pinagtataguan ng mga suspek.
Na-recover sa kanilang pinagtataguan ang cellphone ni Estopace, isang bracelet, necklace na hinihinalang nakuha rin sa panghoholdup at drug paraphernalia.
Ang mga ito din ang itinuturong nasa likod ng serye ng holdapan sa bayan ng Bocaue at Balagtas.
Itinatanggi naman ng mga suspek ang paratang sa kanila at hindi daw sila mga holdaper. Nakaditene ngayon ang mga suspek sa Sta. Maria PNP at sinampahan na ng kaukulang kaso.