Isa sa mga nabakunahan ang 6-na taong-gulang na si Janella Louise Diaz. Ayon sa kanyang ina na si Jaimee Diaz natutuwa sila dahil may panlaban na ito sa nakamamatay na virus. Kuha ni Rommel Ramos
BOCAUE, Bulacan — Sumalang nasa bakunahan kontra Covid-19 ang 300 mag-aaral na nasa edad 5 hanggang 11 taong gulang na isinagawa sa robotic center ng Dr. Yanga’s College Inc (DYCI).
Ayon naman kay Michael Yanga, pangulo ng DYCI, nasa 70 porsyento na ng kanilang mga batang estudyante ang nabakunahan kontra coronavirus.
Ito aniya ay paghahanda na rin sakaling ibalik na sa face-to-face ang klase.
Ang mga volunteeer vaccinators naman ay ang kanilang mga clinical instructors habang ang bakuna ay mula sa lokal na pamahalaan ng Bocaue at Department of Health.
Bago isinagawa ang pagbabakuna ay nagsagawa muna sila ng mga consultations sa mga magulang at guardian at marami na sa mga ito ang nais na mabakunahan ang kanilang mga anak.
Mismong sa hanay aniya ng mga estudyante ay mga nais na din na magpaturok.
Sa vaccination center ay may naglalakihang mga robot at nagpapalitrato ang mga bata bago o matapos silang mabakunahan.
May freebies at cartoon film viewing pa ang mga bata na nabakunahan habang sila ay inoobserbahan kung may adverse effect ang ginawang pagtuturok bago sila pauwiin.
Naging maayos naman ang pagtuturok at hindi naging pahirapan ang pagbabakuna sa mga bata.