IBA, Zambales (PIA) — May 30 magsasaka mula sa bayan ng Botolan ang nagtapos sa Farm Business School o FBS na programa ng Department of Agrarian Reform o DAR.
Sila ay mga magsasakang miyembro ng Bancal Mayanan Farmers Association, Inc. (BMFAI).
Ayon kay DAR Central Luzon Chief Agrarian Reform Program Officer Iluminado Ocampo, layunin ng FBS na turuan ang mga magsasakang magkaroon ng malawak na kaalaman upang maging matagumpay na negosyante sa larangan ng pagsasaka.
Sa pagsasakatuparan aniya ng kanilang mga natutunan sa FBS, tiyak na makatutulong ito upang iangat ang antas ng kanilang pamumuhay.
Ang FBS ay may dalawampu’t-limang sesyon ng pag-aaral na isinagawa sa loob ng anim na buwan.
Samantala, nagpasalamat naman ang tagapangulo ng BMFAI na si Racquel Tingson sa DAR Zambales.
Aniya, napakarami nilang natutunan sa programa, at umaasa siyang silang lahat ay magiging matagumpay na negosyante.
Nagpasalamat din si Tingson sa mga natanggap nilang traktora para sa kanilang asosasyon, mga binhi ng gulay, at iba pang mga gamit pambukid mula sa naturang ahensya. (MJSC/RGP-PIA 3)