3 magkakapatid na Bulakenyo kabilang sa Miss Saigon

    708
    0
    SHARE
    HAGONOY, Bulacan – Gumawa ng kasaysayan ang tatlong magkakapatid na Bulakenyo na nagmula sa bayang ito ng sila ay mapabilang sa mga gumanap sa Miss Saigon, ang sikat na musical production na dati ay pinagbidahan ni Leah Salonga.

    Ang tatlong magkakapatid ay sina Ana Kristina, 19; Kim Paolo, 17; at Juan Karlo, 15; ang unang tatlo sa limang supling ng mag-asawang Celestino Feliciano at Nene Vivas na kapwa nagmula sa bayang ito.

    Sila ay kabilang sa mga gumanap sa musical blockbuster na Miss Saigon na nilikha nina Alain Boublil at Claude-Michel Schonberg; na itinanghal hanggang Setyembre 25 sa Regent Theatre sa  Dunedin, New Zealand.

    Ang pagtatanghal ng Miss Saigon sa Dunedin ay pinangunahan ng Pilipinang aktres na si Maria Christina Bergantinos mula sa Laguna na kasalukuyang nakatira kasama ang pamilya sa  Hamilton, New Zealand.

    Si Bergantinos ay naunang gumanap sa papel na “Kim” sa pagtatanghal ng Miss Saigon sa Hamilton, New Zealand.

    Sa isang email na ipinadala ni Nene Vivas-Feliciano, sinabi niya na tuwang-tuwang ang kanyang tatlong anak na mapabilang sa Miss Saigon, ang produksyong nagpatanyag kay Leah Salonga sa buong daigdig dahil sa kanyang natatanging pagganap bilang “Kim.”

    “They are all thrilled and excited with this production just the same as the whole Dunedin Operatic Society. Miss Saigon is Kaye’s (Ana Kristina) first theatre performance. Paolo and Karlo on the other hand, did their first theatre performance at Waikouati, Otago last May 2010,” ani Vivas Feliciano.

    Sa tanong na ipinahatid sa pamamagitan ng email, sinabi ni Vivas Feliciano na nagmula sa barangay San Sebastian ng bayang ito na hindi sa kanilang mag-asawa nagmana sa galing sa pag-awit ang kanilang mga anak, dahil hindi rin daw sila mahilig umawit noong kabataan nila.

    “Baka sa kapitbahay,” pabiro namang sabi sa e-mail ng kanyang asawang si Celestino na nagmula sa barangay Sta. Elena ng bayang ito.

    Gayunpaman, sinabi ni Vivas-Feliciano na maaaring nabuo ang kakayahan at tiwala sa sarili ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng paghikayat nila sa mga ito na higit na pagyamanin ang kakayahan.

    “Siguro nabuo ang tiwala sa sarili nila dahil sa palagi naming sinasabi na samantalahin nila ang pagkakataon na napunta sila dito sa New Zealand, gawin nila ang lahat ng pwede nila magawa, sa school at sa iba pang mga bagay,” aniya.

    Sinabi pa niya na lumawak din ang pananaw ng kanilang mga anak ng sila manirahan sa New Zealand mula sa Bulacan noong 2008, dahil sa nagsisali ang mga ito sa ibat-ibang paligsahan sa kanilang bagong paaralan; tulad ng speech, singing at dancing contests.

    Ayon pa kay Vivas-Feliciano, nahiligan din ng kanyang mga anak na tumugtog ng ibat-ibang instrumento sa musika dahil maraming instrumentong ipinagagamit sa mga ito sa paaralang kanilang kasalukuyang pinapasukan.

    Ang pamilya Feliciano ay nagsimulang manirahan sa Palmerston, New Zealand noong 2008 matapos na mapasok si Celestino bilang shift administrator ng Goughs & Hammer Company.

    Bago sila lumipat sa Palmerston, si Ana Kristina ay nag-aaral noon sa University of Santo Tomas sa Maynila. Siya ay nagtapos ng sekundarya sa Holy Spirit Academy sa Malolos.

    Pagdating sa Palmerston, nag-aral si Ana Kristina sa University of Otago kung saan ay kasalukuyan niyang tinatapos ang kursong Commerce major in Tourism.

    Si Kim Paolo naman ay nasa ika-apat na taon na sa East Otago High School at nagpaplanong kumuha ng kursong Zoology major in Marine Science bilang paghahanda sa kanyang pangarap bilang duktor; samantalang si Juan Karlo ay nasa ikalawang taon sa East Otago High School at planong mag-aral ng kursong Mass Communications sa kolehiyo.

    Ang magkakapatid na Feliciano ay sumali sa audition ng Miss Saigon sa Dunedin noong Hunyo 19; at pagkaraan ng ilang araw ay nakatanggap ng pabatid na silang tatlo ay gaganap sa musical block buster na Miss Saigon.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here