OLONGAPO CITY – Huli ang tatlong sakay ng motorsiklo matapos silang makipaghabulan sa mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint sa Barangay New Cabalan dito.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Jay Ar Pan, 30,; Gani David, 31, at Nonoy dela Cruz, 39, pawang mga residente ng Limuran, Sitio Mampueng, Barangay New Cabalan.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Police Station 4 ng Olongapo City PNP nang mapadaan ang mga suspek sakay ng motorsiklo na may plakang 7330 XA na walang suot na helmet, sa halip na huminto, humarurot ng takbo ang mga ito at nakipaghabulan sa mga pulis.
Nang hanapan ng dokumento ang motorsiklo at kukunin ang papeles sa compartment ng motor ay nakita ng mga pulis sa pag-iingat ng mga suspek ang may 40 piraso ng bala ng 12-gauge shotgun.
Ang mga suspek ay ipinagharap na sa kasong paglabag sa RA 4136 (hindi pagsusuot ng helmet), PD 1866 (illegal possession of ammunitions) at paglabag sa Comelec Resolution 9601-A (gun ban).