Huling batch na daw ito ng mga surrenderees sa San Rafael at binigyan ng babala ang mga hindi pa nagsisisuko habang kinalbo naman ang drug surrenderees sa Hagonoy bilang pagsunod nila sa kautusan ng Hagonoy PNP.
Seryoso daw ang pamahalaang lokal ng San Rafael na wakasan na ang kalakalan at paggamit ng illegal na droga dito.
Ayon kay Mayor Cipriano Violago, hangad nila na maging drug-free ang bayan ng San Rafael dahil sa karamihan sa biktima ng ilegal na droga ay mula sa mahihirap na pamilya.
Dahdag pa ng alkalde nakahanda niyang suportahan ang mga nagsisuko kung makikitang hindi na nila babalikan ang masamang gawain at maglalaan ng P4.1 milyon bilang tulong pinansyal, alternative livelihood program, counselling at iba’t ibang programa upang maging produktibo ang mga surrenderees at hindi na balikan ang ilegal na droga.
Binigyang diin ni Violago na ang mga nagsisuko ay huli ng batch na kanyang tatanggapin habang binigyang babala ang mga hindi nagsisuko.
Tapos na aniya ang deadline na ipinagkaloob nila sa mga lulong sa ipinagbabawal na gamot at sarado na ang pintuan ng munisipyo sa gusto pang sumuko.
Ayon naman sa Hagonoy PNP, kinalbo ang mga drug pushers at drug addicts upang magkaroon ang mga ito ng pagkakilanlan habang mino-monitor ang kanilang rehabilitasyon.
Mas madali din daw makikita kung kalbo na ang mga sumuko mula sa mga ordinaryong sibilyan na hindi sangkot sa illegal na droga. Ayon kay Supt. Heryl Bruno, hepe ng Hagonoy PNP, ang programang ito ang nagpapatunay na handang sumunod at magbago ang mga taong sumuko mula sa ilegal na droga.
Ayon naman kay Mayor Raulito Manlapas, handa siyang magbigay ng reward sa mga barangay na makakapag-ulat ng mga surrenderees na hindi na muling bumalik ang mga ito sa pagtutulak at paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Nakasubabay naman ang Hagonoy PNP sa programa upang magtuloy-tuloy ang pagbabago ng mga sumuko at habang umuusbong daw ang mga buhok ng mga kinalbo ay simbolo na rin ng pagbabago ng kanilang buhay.