2012: Taon ng pagsulong ng hustisya

    625
    0
    SHARE

    Mga kabalen, isang mapagpalayang bagong taon sa inyong lahat!

    Inaasahang magiging taon ng pagsulong ng hustisya ang bagong taon — ang 2012.

    Una, para sa mga biktima ng enforced disappearances. Wanted na ngayon si retired Maj. Gen. Jovito Palparan kaugnay ng kasong pwersadong pagkawala ng dalawang kabataan na naganap ilang taon na ang nakakaraan.

    Ngayon, makaka-asa na ang mga magulang ng dalawang biktima sa patuloy na pagsulong ng hustisya. Malaki ang tsansa na madarakip din si Palparan, o kaya’y susuko siya at magbibigay ng linaw sa pagkawala ng dalawang kabataan.

    Noon pa ma’y si Palparan ay pinapanagot na rin sa marami pang kaso ng human rights violations, batay na rin sa mga nakaraang ulat laban sa kanya.

    Maging ang mga mahihirap na residente sa Hacienda Luisita noon ay naghain din ng reklamong paglabag sa karapatang pantao laban kay Palparan at sa mga tauhan ng heneral. Ito ay kaugnay sa mga protesta noon hinggil sa kinukwestiyong right-of-way compensation noong ginagawa pa lamang ang Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEx.

    Si Palparan ay sinulatan noon ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ngTarlac  upang humarap sa mga nagrereklamong residente ng Hacienda Luisita sa isang hearing ng Human Rights Committee ng Tarlac SP ngunit hindi ito sumipot, sa dahilang hindi naiparaan sa higher headquarters ang naturang “summon” para sa nabansagang “berdugong heneral.”

    Umaasa ang inyong lingkod na madarakip din si Palparan upang papanagutin sa mga kasong naisampa laban sa kanya.

    Samantala, maka-aasa naman ang mga kamag-anak ng mga iba pang biktima ng enforced disappearances sa inaasahang pagsasabatas ng Freedom of Information (FoI) bill.

    Kapag naisabatas na ang FoI, hindi na magiging sagabal ang “secrecy” sa mga katanungan hinggil sa ilang military operations kung ang mga ito sangkot mga criminal complaints, o petitions for habeas corpus.

    Sa pamamagitan ng FoI, maaari nang mag-request ng impormasyon tungkol sa mga identities ng mga sundalong pinaghihinalaang sangkot sa pagdukot o pagkawala ng ilang sibilyan na napaghinalaang mga miyembro ng NPA.

    Naging laman din ng mga pahayagan at usap-usapan ang pag-aresto sa dating pangulo at ngayo’y halal na kongresista Gloria Macapagal-Arroyo at ang dating Comelec chairman Benjamin Abalos na kapwa pinapanagot sa walang piyansang kasong Election Sabotage.

    Kaya matutunghayan din natin sa susunod na bagong taon ang pagharap ng dalawang dating matataas na opisyal sa mga kasong kinakaharap nila.

    Sana’y manaig ang paghangad ng katahimikan at kapanatagan ng isip at damdamin habang dinidining ang mga kaso laban kina Arroyo at Abalos.

    Tumalima tayo sa paanyaya ng Pangulong Aquino na tulungan ang ating mga kapatid na naging biktima ng hagupit ng kalikasan. Magbigay tayo kahit anumang tulong sa mga naging biktima ng nakaraang bagyong Sendong.

    Gayon din sa paanyaya ng pangulo na maging mapagkumbaba at maging mahinahon sa pagharap sa mga suliranin sa darating na taon at sa pag-asa na ang mga problema ng bansa at mabibigyan ng solusyon.

    Hanggang sa susunod na taon po mga kabalen. Mabuhay po kayo!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here