2 trike na nakaparada sinunog

    207
    0
    SHARE
    BALANGA City, Bataan – Dalawang tricycle na nakaparada sa tabi ng bahay ng may-ari ang diumano’y sinunog sa hindi pa malamang dahilan madaling-araw noong Martes at nadamay pati bahagi ng bahay at ang sari-sari store na matatagpuan sa tabi ng kalsada sa barangay Central dito.

    Ayon kay FO1 Gregorio Fernandez, imbestigador ng Bureau of Fire and Management dito, patuloy pa ang kanilang pagsusuri upang matukoy ang dahilan ng pagkasunog ng tricycle, bahagi ng bahay at ng sari-sari store.

    “Pero pasok na sa intentional kaya may element na ito ng arson,” sabi pa ng fire investigator.

    Sinabi naman ni Ricardo Rodriguez, may-ari ng dalawang tricycle, na nagising siya bandang alas-3 ng madaling araw at naamoy niya na may nasusunog at sumasagitsit kaya ginising niya agad ang kanyang mga kasambahay.

    Nagliliyab na umano ang dalawang tricycle at bigla ang paglaki ng apoy dahil sa kargang gasolina sa tangke ng mga ito kaya pati ang bahagi ng kanilang bahay at sari-sari store ay nasunog din.

    Tinantya ni Rodriguez na sa dalawang tricycle pa lamang ay mahigit P200,000 na ang sinira ng apoy.

    “Wala pa rito ang perang pinagbentahan sa tindahan at ang halaga ng mga panindang nasunog,” sabi ng may-aring nanlulumo.

    “Wala akong alam na kagalit sapagka’t ang araw-araw na ginagawa ko lamang ay mula sa bahay, trabaho at bahay uli at nakakatulong pa ako dahil pinamamasada itong mga tricycle ko,” sabi ni Rodriguez.

    Sunog na sunog ang dalawang tricycle samantalang may nasunog din sa bahagi ng bahay at sa mga paninda sa nakasaradong sari-sari store.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here