2 tindahan ng paputok nasunog

    557
    0
    SHARE
    BOCAUE, Bulacan—Dalawang tindahan ng paputok at isang tindahan ng pintura ang nasunog dito sa magkahiwalay na insidente sa kasagsagan ng pagbaha sa kahabaan ng MacArthur highway sanhi ng bagyong Ondoy noong Linggo ng madaling araw.

    Nilamon ng apoy ang Triple J fireworks sa Barangay Binang 1st ng bayang ito.

    Ayon kay Insp. Roderick Jay Marquez, fire marshall ng Bocaue, tinutukoy pa nila ang naging sanhi ng sunog ngunit malaki aniya ang posibilidad na nagsiklab ang naturang tindahan dahil sa ulang dala ng Bagyong Ondoy.

    Aniya, maaring nagkaroon ng chemical reaction sa tindang mga paputok dito matapos mabasa ng tubig.

    Ayon kay Marquez, hanggang bewang ang tubig baha sa nasabing lugar ng maganap ang sunog.

    Tumagal ng dalawang oras ang pag-apula sa apoy na umabot sa ikalawang alarma at nahirapan din silang apulahin ito dahil sa baha.

    Nasunog din ang katabing bahay ng tindahan na pag-aari naman ni Matias Ignacio.

    Ayon kay Marquez, nagliliparan kasi ang mga kwitis at paputok sa kasagsagan ng sunog kaya’t nadamay ang bahay ni Ignacio.

    Tinatayang umaabot sa mahigit kalahating milyong piso ang halaga ng mga ari-arian na natupok sa sunog.

    Nauna rito ay isa pang sunog ang naganap sa ASA colour paint factory sa Barangay Sulucan sa bayan din ng Bocaue.

    Tumagal din ng dalawang oras ang sunog sa naturang pabrika ng pintura.

    Inaalam pa rin ng mga otoridad ang sanhi ng naturang sunog, at wala namang naiulat na nasaktan o namatay sa naturang mga insidente.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here