2 patay, 3 nawawala sa bagyong Mario

    444
    0
    SHARE

    SUBIC, Zambales —Hindi pa rin matagpuan ng mga rescuers ang bangkay ng tatlong mangingisda kabilang na dito ang mag-ama makaraan tumaob sa laot ang kanilang bancang de motor nang hampasin ng malalaking alon epekto ng bagyong Mario sa may Los Frailes Island, Barangay Pundakit, San Antonio, Zambales.

    Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Municipal Fisheries Aquatic Resources Management Council (MFARMC) kinilala ang mag-amang sina Jose Enquero, 54, at anak na si Joseph, 29, mga residente ng Sitio Nagbayukan, Barangay Cawag, at Pastor Mondia ng Barangay Calapacuan pawang sa bayang ito.

    Ayon pa sa ulat, ang magama ay inabutan ng malalaking alon sa laot dala ng bagyong Mario kung kaya minabuting itali ang kanilang banca sa barkong Fujiyama na naka-anchor sa nasabing lugar, subalit kumawala sa pagkakatali ang banca hanggang ito ay tumaob at naglahong parang bula ang mag-ama.

    Sinikap ng pamilya Enquero na humingi ng tulong sa Subic Coast Guard Station para magsagawa ng search and rescue operation, subalit hindi sila nakarating sa lugar dahil sa malalaki pa ang hampas ng alon at limited ang kanilang gas na gagamitin sa paghahanap sa mga biktima.

    Ganito din ang sinapit ng isa sa mga anak ni Enquero nang magtungo ito sa Philippine Coast Guard (PCG) sa Bataan kung saan walang gustong umako sa responsibilidad sa gagawing search and rescue operation at unang itinuro sa PCG Sabang Coast Guard Station sa Morong, pagkatapos sa PCG Mariveles at ang pinakahuli ay sa PCG Lamao.

    Ayon sa ilang tauhan ng PCG, “limited” lamang ang kanilang gasolina para sa gagawing search and rescue operation.

    Sa ulat naman ni Chairman Joselito Acebo ng Samahan ng mga Mangingisda ng Calapacuan nawawala pa rin ang isa pang mangingisda na si Pastor Mondia ng Barangay Calapacuan, subalit ang banca nito ay natagpuan na sa Barangay Mabayo, Morong, Bataan.

    Samantala, natagpuan na ang bangkay ng dalawa pang mangingsda na nangangalakal ng basura sa pagitan ng Sitio Lansi at Sampaloc matapos ang mga ito ay malunod bago pa man manalasa ang bagyong Mario sa Zambales.

    Ang mga ito ay nakilalang sina Ervie Reclosado, 27, at Alwin Macalolooy, 27, pawang mga residente ng Barangay Calapandayan, Subic, Zambales. Ayon sa ulat, sabay na tumalon sa kumpol ng basura sa dagat ang dalawang biktima at habang nasa tabi na ang mga ito ay hinampas sila ng malaking alon na siyang dahilan ng kanilang pagkakalunod.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here