2 nalunod sa ilog sa Nueva Ecija

    451
    0
    SHARE

    CARRANGLAN, Nueva Ecija – Dalawang tao kabilang ang isang dalagang estudyante ang namatay nang malunod sa ilog dahil sa biglang pagbuhos ng ulan habang sila ay nagsasalo-salo sa isang piknik sa Barangay RA Padilla ng bayang ito nitong Sabado ng hapon.

    Ang mga biktima ay kinilala ni Senior Insp. German Lising, hepe ng pulisya, na sina  Aldrin Cabildo, 25, security guard at Monique Paderes, 17, estudyante ng Mapua Institute of Technology, kapwa residente ng Baragay DL Maglanoc dito.

    Ayon sa imbestigasyon, ang mga biktima ay kasamang nagpi-piknik sa Balwarte River, kaalinsabay ng kaarawan ng isang kamag-anak, nang biglang umulan bandang 2:30 ng hapon na naging dahilan ng paglakas ng agos ng tubig.

    Tila nasorpresa umano sa pagtaas ng tubig ang mga nagsasaya kaya’t hindi na nagawa pang makaabot sa pampang ang mga biktima.

    Isinugod sa Carranglan District Hospital ang dalawang biktima, ayon kay Lising, para sa mabilisang lunas bago tuluyang dinala sa Sacred Heart of Jesus Hospital sa San Jose City subalit binawian din ng buhay.

    “Wala nang malay ang mga biktima ng matagpuan sa ilog pero mabilis silang dinala sa ospital ng kanilang mga kasama,” ani Lising.

    Pinayuhan naman ng pulisya ang mga lalabas, lalo na ang magtutungo sa mga ilog, ngayong bakasyon na maging mapagmatyag at maingat sa lahat ng oras.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here