LIMAY, Bataan– Isang dumptruck na kargado ng uling ang tumagilid matapos bumangga sa kasalubong na isa ring dumptruck malapit sa hindi pa natatapos na tulay sa Barangay Alangan dito Miyerkules ng umaga.
Humaba ang traffic sa isang linya ng Roman Superhighway dahil bumalabag ang dalawang sasakyan sa pabulusok na bahagi n alsada.
Tumapon ang kargang uling ng tumagilid na dumptruck na papunta sa direksiyon ng Balanga City. Ang sasakyang kasalubong na bagama’t nakatayo ay wasak naman ang windshield at yupi-yupi ang unahang bahagi.
Ayon kay Michelle Dizon, kasapi ng Limay Rescue Team, tatlo ang sugatan na agad isinugod sa Bataan General Hospital sa Balanga City.
Medyo natagalang mahugot ang driver sa pagkakaipit sa manibela ng nakatayong dumptruck. “Sa tulong ng Bureau of Fire ng Limay, natanggal po namin sa pagkakaipit ang driver.
Mga minor injuries lamang ang natamo ng mga biktima,” sabi ng rescue worker. Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya ng Limay sa kung ano ang talagang dahilan ng banggaan.