2 bangkay natagpuan

    592
    0
    SHARE

    BALANGA City – Dalawang hindi pa kilalang lalaki ang natagpuang patay sa magkahiwalay na lugal sa Bataan noong Biyernes at Sabado.

    Ang isang bangkay na nakita Biyernes ng umaga ay hinihinalang itinapon sa tabi ng zigzag road sa barangay Binukawan sakop ng bayan ng Bagac. Ang isa ay natagpuan naman sa tagung-tagong lugal sa tuyong bahagi ng ilog sa ilalim ng malaking tulay sa Roman Superhighway sa Balanga City Sabado ng umaga.

    May bakas ng palo sa ulo at mukha ang lalaking nakapusod at may ipit ang mahabang buhok, sabi ni Jun Cortez, caretaker ng Martinez Funeral Homes sa Bagac, Bataan.

    “May dating bingot sa nguso, nakasuot ng puting sando at boxer shorts, may butterfly tattoo sa kanang paa at parang sinakal ang lalaki na may kaputian,” sabi pa ni Cortez. Nanawagan siya na kung sino man ang may kamag-anak na nawawala ay magpunta lamang sa kanyang punerarya.

    “Inabutan naming nakadapa ang lalaking patay na may tama sa ulo at mukha,” sabi ni Binukawan barangay kagawad Joel Belanio habang itinuturo ang lugal sa labas ng steel railing ng kalsada kung saan nakita ang bangkay.

    Ayon naman kay PO2 Emerito Gozun, officer on case ng Bagac police, nakuha nila sa lugal na kung saan nakita ang bangkay ang isang asul na T-shirt. Tinatayang may taas ang biktima ng 5 feet, 2 inches. Nadaanan, aniya, ito ng isang tricycle driver at agad inereport sa barangay kapitan ng Binukawan.

    Ang bangkay naman sa ilalim ng tulay sa Balanga ay nakapantalon ngunit walang damit pang-itaas.

    Nakatagilid ito na para lamang natutulog.

    Nakita ang bangkay na nangangamoy na ng ilang mga batang sumuot sa ilalim ng tulay noong Sabado ng umaga.

    Sinabi ng dalawang babaing nakatira malapit sa tulay na madalas nilang makita ang tao na palakad-lakad at pabalik-balik sa kahabaan ng superhighway. May kasama raw itong isang babae. Hindi raw nila kilala ang mga ito at hindi alam kung saan nakatira.

    Patuloy pa ang imbestigasyon ng Balanga police sa pagkakakilanlan at dahilan ng kamatayan ng biktima na hinihinalang isang “taong grasa”.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here