Ipinakikita ni MGB Director Nazareno (kanan) kina Mayor Khonghun, Congressman Jeffrey Khonghun at Zambales Gov. Hermogenes Ebdane, Jr., ang mapa ng kabundukan ng Zambales na nakapaloob sa “ hazard map” at itinakdang “danger zone”.
KUHA NI JOHNNY R. REBLANDO
SUBIC, Zambales – Inirekomenda na ng Mines and Geoscience Bureau sa pamahalaan ng Subic, Zambales ang pagpapaalis sa mga nakatirang residente sa itaas at paanan ng bundok na nasasakupan ng itinakdang “danger zone “ para huwag na muling maulit pa ang trahedya sa nakalipas na habagat na kumitil sa buhay ng 20 katao na biktima ng landslide.
Sa isinagawang inspection sa lugar ng landslide sa Sitio Cabangaan, Barangay Cawag at San Isidro sa baying ito, sinabi ni MGB Director Leo Nazareno na ang lugar kung saan naganap ang landslide ay nakapaloob sa hazard map.
Ayon kay Nazareno, dapat nang paalisin sa lalong madaling panahon ang mga residente na nasa tuktok at paanan ng bundok na sakop ng “hazard map” na aabot sa mahigit sa kalahating kilometro ang haba sa Barangay San Isidro.
Ayon kay Mayor Jay Khonghun, tinatayang may mahigit sa 100 hanggang 150 pamilya ang maapektuhan na sakop ng “hazard map” mula Cabangaan, Barangay Cawag at Barangay San Isidro at ang mga ito ay ililipat sa relocation site sa Barangay Cawag.
Ayon kay Jeehrone Ogerio, kamag-anak ng anim na katao na nasawi sa landslide, may 10 taon na silang nakatira sa lugar, abutan na sila ng bagyo at ulan noon ngunit ngaon lamang nagyari ang trahedyang hindi inaasan sa kanyang buhay.
Laki ng pasasalamat ni Ogerio at nasa kabilang barangay siya natulog nang kalakasan ng ulan, kung nagkataon aniya isa na rin siya sa pinaglalamayan. Dahil sa pagdami ng population ng Subic kung kaya mga kabundukan na ang tinatayuan ng bahay lalo pa at doon na sila nakakakita ng magandang pagkakakitaan, gaya ng pagtatanim ng gulay at iba pang pangkabuhayan.