Home Headlines 107 agro-entrepreneurs sa Gitnang Luzon, tampok sa 5th CARP Trade Fair

107 agro-entrepreneurs sa Gitnang Luzon, tampok sa 5th CARP Trade Fair

640
0
SHARE

LUNGSOD NG ANGELES (PIA) — Ibinida ng 107 agro-entrepreneur ng Gitnang Luzon ang kani-kanilang mga produkto sa katatapos na 5th CARP Regional Trade Fair sa Marquee Mall sa lungsod ng Angeles.

Tampok sa ginanap na 5th CARP Regional Trade Fair sa MarQuee Mall sa lungsod ng Angeles ang 107 na matatagumpay na agribusinesses ng Gitnang Luzon. Naging pagkakataon ito upang maialok ang kani-kanilang matataas na kalidad na produktong agrikultural at iba pang hanapbuhay na resulta ng reporma sa lupa. (DTI)

Ayon kay Department of Trade and Industry-Bulacan Provincial Director at CARP Trade Fair Regional Manager Edna Dizon, hindi lamang ito basta isang karaniwang trade fair para sa mga micro, small and medium enterprises kundi isang pagtatanghal kung paano naging ganap na matatagumpay na agro-entrepreneur ang mga karaniwang magsasaka at mangingisda mula nang pagkalooban ng titulo ng lupang sakahan at palaisdaan.

Nangibabaw dito ang 30 mga agribusiness mula sa Pampanga kung saan 19 rito ay lumikha ng mga produktong pagkain mula sa kanilang saka sa bukirin at huli sa mga ilog at dagat.

Kabilang dito ang mga processed foods na Puto Seco ng Aling Juana, Kape ng Atin Keni.ph Food Products, ang sikat na Uraro Cookies at Lengua de Gato ng Fraicevince Delicacies-Palat Multipurpose Cooperative, ang mga cashew at nuts ng Izzamawy Pastries and Delicacies, Chicharon ng John N Mico Food Products, mga mixed nuts ng Lola Purings Food Products, cookies ng Rodel’s Delicacies, Chili Pasta ng Virgen Delos Remedios, iba’t ibang delicacies ng Gabee’s, cakes ng Pawty Cakes at gawang Kapampangan na Korean food mix ng MamaJacq Kitchen.

Tampok din ang matataas na kalidad ng mga sariwang produktong agrikultural gaya ng mais ng Pansinao Parents Association Multipurpose Cooperative; Balut, Itlog na maalat at taba ng Talangka ng RV De Dios Food Products, iba’t ibang Isda ng Tabon San Jose, mga Bigas ng Sta. Ana Agricultural Multipurpose Cooperative, Mushroom products ng Cabalen Mushroom Farmers Agriculture Cooperative, mga Sili ng Pepper One, mga tinapay ng Samuels Delicacies at ang Calamansi juice at vegetable Atchara ng TPKI.

Habang may 11 na mga benepisyaryo ng reporma sa lupa na nakapag-diversified na sa iba pang uri ng kabuhayan tulad ng wood trays ng D’4A Homecraft, frames at mirrors ng Gospel OBP Enterprise, Herbal Oil ng Jegen SWE Enterprises, mga pabango ng Micary Fragrance, garments manufacturing, metalcraft at handicraft ng Olsen, mga kurtina at bedsheets ng Women’s Unity Multipurpose Cooperative, wood crafts ng Clad Concept, mga bags ng Jianlee Enterprises at mga metalcraft at handicraft ng Philippians Four Thirteen Metal Crafts.

Sa mga agribusiness ng Zambales, bida ang mga Mango product ng Green Thumb at ng Pinagkaisang Mangingisda at Magsasaka Multipurpose Cooperative.

Mayroon ding iba’t ibang high value commercial crops gaya ng mga Banana, Chili at Mushroom products ng Zambales Coconut Free Farmers Association at Zambales Upland Farmers Multipurpose Cooperative.

Gayundin ang iba’t ibang pampasalubong na produkto na cashew products ng Cora’s Cashew Delights at Malapati Community Livelihood Center Inc; mga minatamis ng Sonia Sweets, Pastillas Bars ng Mistica’s Dairy Products, sari-saring Chips ng Zennor Hydroponics Farm at iba’t ibang aning gulay at mga prutas ng San Felipe Livestock Organic Farmers Association.

Iba pa rito ang sari-saring fish products mula sa mayamang dagat sa Zambales ng Aurora Fish Products at Burador Fisherfolks Association at ang mga basahan na gawa ng F&F Balingcaguing Sewing Operators Association Inc.

Sa 13 na mga agribusiness sa Tarlac, nangunguna rito ang mga Bamboo products at mga gulay na tanim at likha ng Agro-Forestry Farmers Association of San Jose, mga pabango, car fresheners at oil-based products ng Aroma Anao at Cornhusk Flowers and Decors ng Tresvalles.

Ang mga produktong gawa sa Kalamansi naman ang itininda ng Concepcion Calamansi Growers and Rice Producers Cooperative at R.P. Corpus Sales Enterprises. Mayroon ding gumagawa ng Chicharon sa Tarlac mula sa Pindangan II Multipurpose Cooperative, Mushroom Chicharon ng Cabayaoasan Farmers Agricultural Cooperative at mga processed meat ng Pabiagan Multipurpose Cooperative.

Sa mga high value commercial crops ng Tarlac, nandiyan ang Sweetpotato Chips at fresh Sweetpotato ng Sapang Multipurpose, Chili paste at mga sariwang gulay at prutas ng Tingtano Enterprises.

Tampok din ang mga prinosesong produkto tulad ng Potato wine ng Don Benito Wine at Peanut Butter ng HRTC. Hindi nawala ang pamosong Inuyat ng Tarlac na gawa ng Aling Piling’s Inuyut.

Itinanghal naman ng Nueva Ecija ang 13 nilang matatagumpay na mga agribusiness na nakalikha ng mga produkto bukod sa tanim na Palay na kilala sa naturang lalawigan. Una rito ang mga dairy products ng Castaneto Dairy Product Trading, Catalanacan Multipurpose Cooperative at ng Nueva Ecija Federation of Carabao Cooperative.

Sa mga high value crops, itininda rin ang Banana Chips ng Sangkap Producers Cooperative; mga Mushroom Chilic Garlic, Mushroom Chips at Mushroom Crackers ng San Juan Mushroom Growers Association at ng Red J Mushroom Farm; at ang mga Soybean products ng Ajee Food Products.

Lumahok din ang mga gawang Nueva Ecija na Dried Pusit ng Tupad Pangarap Multipurpose Cooperative, mga likhang kamay ng mga magsasaka na Soft Broom ng Cuyapa Gabay sa Bagong Pag-Asa Inc., Cornhusk handicrafts ng Vanamiks, rattan handicrafts ng Original na Magbabasket ng Nueva Ecija at mga bamboo products ng D’Sustainable Planet Inc.-Bambuhay.

Sa Bulacan, umaabot na sa 70 mga samahan ng mga agrarian reform beneficiaries ang naitatag kung saan may 20 libo sa kanila na mga magsasaka at mangingisdang Bulakenyo ang aktibong kasapi.

Kinakatawan sila ng 14 na mga lumahok ang Catholic Servants of Christ Community School ng Baliwag na magtitinda ng Cocojam.

Mula rin sa nasabing bayan, itinatampok ang iba’t ibang produkto na gawa mula sa karne ng Rabbit na gawa ng Rabbit Raisers and Meat Producers Cooperative.

Ang taga-San Miguel na Inang Enyang Eleven Fourteen Sweet Candies ay nag-aalok ng iba’t ibang uri ng minatamis gaya ng pastillas at mga produktong mula sa gatas ng Kalabaw.

Iba pa rito ang Minasa na gawa ng Catacte Multipurpose Cooperative ng Bustos.

Organic Rice naman ang dala ng multi-awarded na Joyful Organic Farm ng San Ildefonso. Habang ang mga taga-Donya Remedios Trinidad ay ibinibida ang ipinagmamalaki nilang Kape mula sa Talbak ng Talbak Fruits and Coffee Growers Inc. at Kakaw mula sa Saret Organic Farmville.

Ang Sta. Maria Dairy Multipurpose Cooperative ay muling inilahok ang ipinagmamalaki nilang mga dairy products gaya ng yogurt, fresh milk at kesong puti.

Para naman sa mga taga-dalampasigan ng Bulacan, nakapaketeng Fishball ang inilalako ng San Jose Fish Products ng Paombong, mga processed fish na gawa ng Lito Rey Boneless Tinapa ng Hagonoy at ang Kropek na gawa ng San Francisco Multipurpose Cooperative ng Bulakan.

Bukod sa pagkain, ang mga nalikhang Soil Conditioner naman ang itinitinda ng taga-Plaridel na Plaridel Rice and Vegetable Growers Multipurpose Cooperative.

Mga kutkuting pampasalubong naman ang ibinida ng karamihan sa 13 agribusinesses sa Bataan. Una na riyan ang mga cashew products ng Alion Kapit Bisig SEA-K, Bagakeno’s Cashew Products and General Merchandise at ng Willy’s Cashew Products; mga chips, Peanut, Bukayo, Flavored Peanuts, Honey at Garlic Chips ng Bhebe’s Food Products, Susan’s Food Products Manufacturing, Morong Multipurpose Cooperative at Terio’s Food Products.

Kasama rin na itininda ang Cassava Chips ng Ruthy’s Food Products, Buko Pie at Buko Juice ng Montey’s Food Enterprise at ang Turmeric and Ginger Brew ng Cesmar Enterprise. Gayundin ang mga magsasaka na nag-diversified ng hanapbuhay sa paggawa ng mga bags ng Jaken’s Sports Bags at mga bamboo products ng Khalimah Handicrafts & Souvenirs.

Ang 10 agribusinesses sa Aurora na lumahok naman ay nagtampok ng mga high value commercial crops mula sa Banana Chips ng Matawe Agrarian Reform Beneficiaries and Small Coco Farmers Cooperative at Galintuja Agrarian Reform Beneficiary Cooperative; Gabi Chips ng Samahang Unlad Bukid ng San Isidro Credit Cooperative, Ginger candies ng Dikildit Primary Multipurpose Cooperative at mga Cocojam at Coco-based products ng Ibona Small Coconut Farmers Multipurpose Cooperative.

May ibinida ring furnitures ang Dipacular Furniture Maker’s Multipurpose Association Cooperative at mga Bamboo Handicrafts at Engraved Wood ng Doctolero’s Furniture-Ditumabo Tribal Association.

Kaugnay nito, sinabi ni Department of Agrarian Reform-Bulacan Provincial Agrarian Reform Program Officer Geraldine Yumul na sinasalamin ng mga agribusinesses na ito ang tagumpay ng mahaba at naging malawakang reporma sa lupa sa Pilipinas.

Taong 1963 nang unang ipinatupad ang reporma sa lupa sa bisa ng Republic Act 3844 o Agricultural Reform Code sa ilalim ng administration ni noo’y Pangulong Diosdado Macapagal kung saan ang bayan ng Plaridel, Bulacan ang ginawang pilot area.

Naideklara naman ang buong Pilipinas bilang isang Land Reform Area sa bisa ng Presidential Decree No. 2 at naibigay sa mga magsasaka ang lupa na kanilang sinasaka sa bisa ng Presidential Decree No. 27 na inilabas ni noo’y Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. noong 1972.

Taong 1988 naman nang lagdaan ni noo’y Pangulong Corazon C. Aquino ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP bilang Republic Act 6657 na nagpakilala sa konsepto ng Stocks Distribution Option bukod sa pamamahagi ng titulo.

Ang mga palaisdaan ay naisama sa CARP noong 1998 sa panahon ni noo’y Pangulong Fidel V. Ramos habang pinalawig ang CARP bilang Comprehensive Agrarian Reform Program extension with reform o CARPer bilang Republic Act 9700 na nilagdaan ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Sa batas na ito, nililimitahan sa hanggang limang ektarya na lamang ang lupang dapat pag-ariin ng mga hasyendero at dapat ang lalagpas dito ay maipagkaloob sa mga magsasaka o mangingisda. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here