LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Tumanggap ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang may isang libong tricycle drivers sa unang distrito ng Bulacan na naapektuhan ng malawakang pagbabaha sa nakaraang bagyong Egay.
Sila ay benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations ng ahensya.
Ayon kay DSWD Regional Director Jonathan Dirain, ang mga benepisyaryo ay pawang mga kasapi ng iba’t ibang Tricycle Operators and Drivers Association mula sa mga bayan ng Bulakan, Hagonoy, Paombong, Calumpit, at Pulilan at lungsod ng Malolos na nasa Unang Distrito.
Nagkakahalaga ng P5,000 ang inilaan sa bawat benepisyaryo na may pabaon pang isang kahon na non-food items at emergency kits.
Iba pa rito ang mga nanalo sa ginanap ding raffle draw na may papremyong mga motorsiklo, mountain bikes, washing machines, flat screen televisions at maliliit na appliances.
Pinangunahan ni House Speaker Martin Romualdez ang pamamahagi na ginanap sa Valencia Gymnasium ng Bulacan State University.
Binigyang diin ni Romualdez na magpapatuloy ang pagkakaloob ng mga ayuda lalo ngayong bumabangon pa lamang ang maraming nabaha at habang mataas pa ang presyo ng bigas.
Tiniyak din niya ang patuloy na paglalaan ng pondo para sa iba’t ibang uri ng ayuda at sabsidiya sa panukalang badyet ng 2024.
Ayon pa kay Romualdez, bahagi ito ng layunin ng administrasyong Marcos na pabilisin pa ang pagkakaloob ng mga serbisyo at tulong na ibinibigay sa mga karaniwang mamamayan.
Kaugnay nito, ipinagpasalamat ni Malolos City Mayor Christian Natividad ang pagbubukas ng Alagang Tingog Center sa lungsod sa pamamagitan ng Tingog Partylist.
Nangangahulugan aniya ito ng lalong mapapaigting ang pagbibigay ng tulong, pag-agapay at ayuda sa mga taga-Malolos at maging sa unang distrito ng Bulacan. (CLJD/SFV-PIA 3)