SAN JOSE CITY, Nueva Ecija – Umaabot sa 100 mambabatas ang babawi ng suporta sa resolusyon na naglalayong i-convene ang Kongreso sa isang Constituent Assembly (Con Ass) kung lalampas sa probisyong pang-ekonomiya ang layunin nito, ayon sa isang kongresista ng Nueva Ecija.
Ayon kay Rep. Joseph Gilbert Violago ng ika-2 distrito ng Nueva Ecija, maraming kasamahan niya na lumagda sa House Resolution 1109 ang naghahangad lamang na maisulong ang tinaguriang "economic provisions" ng Saligang Batas.
"’Yon ang napag-usapan," paglilinaw ni Violago. "Beyond that, term extension or what, many will back out and withdraw support for Con-Ass," aniya. Si Violago ay kasapi ng Lakas-Kampi.
Ayon sa kanya, kabilang sa mga posibleng bumawi ng suporta ay mga baguhang mambabatas. "They are highly idealistic and would likely block moves to amend the Charter beyond the economic provisions."
Binanggit niya si Rep. Rodolfo Antonino ng ika-4 na distrito ng Nueva Ecija na isa sa mga naninindigang economic provisions lamang ang maaaring galawin sa Con Ass.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Violago sa gitna ng kontrobersiya hinggil sa umano’y pagpapalawig ng termino ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Si Arroyo ay magbibigay ng kanyang huling State of the Nation Address sa Kongreso sa darating na Lunes, Hulyo 27.
Sinabi ni Violago na Constitutional Convention (ConCon) ang tanging naaangkop na paraan kung pag-uusapan ang term extension ng mga nanunungkulang opisyal.
Ngunit inamin niyang mahihirapan itong makalusot dahil ang senado ay may "hardline position" hinggil dito. "The problem is the Senate has taken a hardline position. They would never allow it."
Ayon kay Violago, siya man ay mas pumapabor sa ConCon.
"For me, three years for a single term and a term limit of three terms would not be ideal because on the first year of your term, you are thanking your supporters, on the second year, you are working and on the third, you are campaigning again.
Maybe, two terms of four years each would be a lot better than a three-term limit of three years each, dagdag ng kongresista.