100 iligal na istruktura, tinibag

    517
    0
    SHARE

    Demolisyon ng kubo sa patubigan. Kuha ni Armand Galang

    SAN LEONARDO,Nueva Ecija – Sinimulang tibagin ng magkasanib na puwersa ng lokal na pamahalaan at 3rd division ng National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System (NIA-UPRIIS) ang may 100 istruktura na iligal na itinayo sa kanal-patubig nitong Lunes.

    Personal na hinarap nina Mayor Elan Nagaño at Engr. Jose Ariel Domingo, division 3 manager, ang mga apektadong may-ari ng mga istruktura na kinabibiblangan ng mga bahay, maliliit na restoran at bar na napatunayang nakasasagabal sa daloy ng tubig-irigasyon sa mga barangay ng Magpapalayok, Diversion at Catellano sa bayang ito.

    Ayon kay Domingo, nagsisilbing hadlang ang mga bahay na itinayo sa gilid at ibabaw ng kanal sa pagsasaayos ng pasilidad upang mapag-ibayo ang serbisyo ng NIA sa tinatayang mahigit 100 ektarya na dinadaluyan ng nasabing kanal.

    “Mahalagang maayos ang mga kanal na ito dahil bukod sa irigasyon ay drainage din ito para mabilis na humupa ang tubig-baha,” ani Domingo.

    Sinabi naman ni Nagaño na ilan sa mga infromal settlers sa lugar na nasa kahabaan ng National Road ay napaalis na may tatlong taon na ang nakaraan subalit marami sa kanila ang nagsibalik. “Ang iba naman ay galing sa iba-ibang lugar, labas ng San Leonardo,” ani Nagaño.

    Nakaaakit umano sa informal settlers ang lugar dahil maganda itong paglagyan ng mga tindahan at maliliit na negosyo.

    Naabutan pa ng mga otoridad ang ilang itinatayong konkretong struktura na tumatapak sa kanal-patubig at shoulder ng national highway.

    Nahikayat naman ng alkalde ang mga ito na isaayos ang kanilang ipinagagawang istruktura.

    “Kailangan talaga nating maisaayos ang mga kanal dahil seryoso ang ating gobyerno sa rice self – sufficiency program,” paliwanag ng NIA manager.

    Ilan sa mga apektadong residente ay kusa nang tinibag ang kanilang mga bahay at tindahan dahil nais nilang matiyak na magagamit pa ang aalising mga gamit.

    Iniulat ni Chief Insp. Renato Morales, hepe ng pulisya sa bayang ito, na maayos at mapayapa ang naging demolisyon.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here