SAN ANTONIO, Zambales – Isa ang kumpirmadong patay, samantalang tatlo ang ginagamot sa San Marcelino District Hospital matapos magulungan ng malalaking tipak ng mga bato sa naganap na rockslide sa Capones Island, Barangay Pundakit sa bayang ito.
Kinilala ni Inspector Jonathan Bardaje, hepe ng San Antonio Police, ang nasawing biktima na si Ronnie Echavez, residente ng Metro Manila. Ang biktima ay nadaganan ng malaking bato na agad nitong ikinamatay.
Ginagamot naman sa hospital bunga ng mga tinamong sugat at mga bali sa katawan sina Michael Bumanlag, 29, ng Barangay San Miguel, San Antonio, Zambales; Judy Ann Vergara, 18, at Rodel Alison, 22, pawang mga taga Metro Manila.
Sa imbestigasyon ng pulisya, kasamahan ni Bumanlag sa trabaho sa Metro Manila ang mga biktima at nagbakasyon lang sa San Antonio ng New Year at bago lumuwas ay nagkayayaan ang mga ito na mamasyal sa Capones Island.
Ayon pa sa ulat naglalakad sa gilid ng bundok ang mga biktima ng bigla na lang gumulong sa kanilang kinaroroonan ang mga makalaking tipak ng bato dala ng malaking hampas ng alon at ihip ng hangin.
Habang sinusulat ang balitang ito, patuloy ang isinasagawang retrival operation ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council, Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, PNP at Bureau of Fire Protection rescue team para kunin ang bangkay ni Echavez na naipit sa malaking tipak ng bato.