GUIGUINTO, Bulacan—Dalawang buwan bago ang Bagong Taon ay maaga nang nagtipon-tipon para sa isang pagsasanay ang mga manggagawa at mga otoridad upang targetin ang zero firecracker-related incident sa pagsalubong sa 2013.
Ang pagsasanay ay isinagawa sa St. Agatha Resort and Country Club sa bayang ito kamakalawa.
Layunin ng seminar ang zero accident ngayong taon batay sa atas ni Presidente Aquino.
Dinaluhan ang naturang pagtitipon ng mga legal na mangggagawa ng paputok mula Region I hanggang Region 4.
Ayon kay Vimie Erese, pangulo ng Philippine Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association sa buong bansa, nais nila na wala ng maaksidente o masunugan sa pagsalubong sa 2013.
Aniya, itinuturo sa kanilang mga seminars ang tamang paggawa ng mga paputok, tamang pagbyahe, tamang pagbebenta at pagdisplay nito sa mga tindahan nang sa gayon ay hindi na maulit pa ang malalaking aksidente sa pagsalubong sa Bagong Taon dahil sa mga paputok.
Natutuwa naman daw sila na batay sa datos ay bumaba na ng nakaraang taon ang mga firecracker-related incidents.
Ayon kay Chief Supt. Raul Petrasanta, hepe ng firearms and explosives office, ngayon pa lamang ay naglilibot na sila sa buong bansa upang i-monitor ang paggawa ng mga paputok.
Mahigpit din nilang binabantayan ang mga illegal na manggagawa ng mga paputok at ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na mga imported firecrackers.
Paiigtingin daw ngayong taon ang implementasyon ng R.A 7183 o ang batas na nagreregula sa pagggawa at pagbebenta ng mga paputok sa bansa.
Nilinaw niya na bawal pa rin ang mga malalakas na uri ng mga paputok gaya ng Lolo Thunder, OG, goodbye universe, goodbye Philippines, bin laden, whistle bomb at marami pang ibang uri ng malalakas na paputok.
Kailangan daw na .02grams lamang ng pulbura o 1/3 teaspoon ang legal na pulbura na ilalagay sa isang paputok. Bawal din daw ang mga imported firecrackers na ibenta sa bansa.
At bagamat walang laman na pulbura ang bogaay ipinagababawal din daw ito ayon sa batas dahil sa ito ay delikado.
Bukod sa paggawa ng mga seminars ay nagsisimula na daw ang kanilang mga inspeksyon sa ibat-ibang lugar nga bansa kung saan may mga pabrika ng mga paputok.