IBA, Zambales — Matapos na itaas ang Zambales sa Alert Level 4, muling itinaas sa general community quarantine with heightened restrictions (GCQ+HR) mula sa moderate GCQ status ang buong lalawigan.
Ito ay batay sa limang pahinang Executive Order No. 24, Series of 2021 na nilagdaan ni Gov. Hermogenes Ebdane, Jr. nitong Miyerkules.
Ang kautusan ay bunsod ng pagtaas ng bilang ng tinatamaan ng Covid-19 sa lalawigan na batay sa datos ng provincial health office ay umabot ng 109 cases nitong August 15 at nasundan pa ito noong August 16 ng 104 cases at umabot na sa na kabuuang 636 cases nitong August 17.
Batay naman sa report ng DILG Zambales, tatlo sa 13 bayan ng Zambales ang may mataas na bilang ng Covid-19. Ito ay ang Iba, Palauig, at Subic kung kaya napagpasyahan ng provincial inter-agency task force na isailalim sa GCQ ang buong lalawigan.
Nakasaad din sa kautusan na muling ipapatupad sa buong lalawigan ang curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga kung saan ang pinapayagan lamang na lumabas ay ang mga taong may lehitimo at importanteng gagawin lamang sa labas ng kanilang tahanan.
Pinagbabawalan din ang mga residente na may edad 18 anyos pababa at 65 anyos pataas, ang may mga comorbidities, mga buntis, at mga may health risk na lumabas ng kanilang bahay kahit na ang mga ito ay nabakunahan na.
Isasailalim din ang Zambales sa province-wide liquor ban.
Mahigpit na ipapatupad ang border control kung saan susuriin ang mga travel passes at Covid-19 test results at iba pang dokumento ng mga biyahero.
Ang lahat ng mga manggagawa at trabahador na namamasukan sa labas ng Zambales na arawang tumatawid sa mga border control points ay kinakailangan magpakita ng kanilang lingguhang resulta ng antigen test.