Tulad na lamang nitong inilawan Miyerkules ng gabi na mahigit 30 Christmas tree na naghanay sa Maube, isang sityo ng barangay Sta. Lucia, Samal, Bataan.
Buhat sa malayo animo’y pangkaraniwang puting bagay na nagniningas sa liwanag ang mga Christmas tree na ang taas ng isa ay halos 20 feet samantalang ang dalawa ay 18 at 14 feet. Ang mga nakahanay naman sa magkabilang tabi ng kalsada na may bilang na mahigit 30 ay halos eight feet ang taas.
Lahat ng mga ito’y may maliliit na parol sa itaas na tila tinatanglawan ng nakatunghay na buwan sa langit. Ang nakakabilib, ang lahat ng Christmas tree ay ginawa buhat sa libo-libong basyong bote na ayon kay Pythagoras “Pytha” Enriquez ay tinatayang mahigit 20,000 ang bilang.
Dito ipinakita ng mga taga-Maube ang likas sa Pilipinong “bayanihan” na tulong –tulong na matiyagang pag-ipon ng mga bote upang makabuo ng tila “obra maestra”. Sinimulan ang pagbuo sa mga Christmas tree noong ika-3 ng Nobyembre at natapos Disyembre 9, sabi ni Pytha.
Bumilang ng maraming araw ang pagtitiyagang ito at umiral ang pagka-malikhain ng mga taga-Maube sa Sta. Lucia, isang barangay ng mga magsasaka, upang makagawa ng naiibang Christmas tree na hindi lamang isa kundi mahigit 30.
Ngayon pa lamang ay binibilang na ng mga organizers ang kikitain nila sa sandaling maibenta sa junk shop ang mga bote. “Sa susunod na Disyembre, iba namang mga materyales na nagkalat lamang sa paligid ang aming gagamitin upang makalikha ng magaganda at kakaibang Christmas decoration,” sabi ng mga ito.