Xevera residents magsasampa ng demanda laban sa Pag-IBIG

    493
    0
    SHARE

    BACOLOR, Pampanga — Magsasampa ng kasong sibil bukas laban sa Pag-IBIG Fund ang mga residente ng Xevera Homes Subdivision sa Barangay Calibutbut dito Pampanga dahil sa paglabag umano nito sa kanilang karapatan.

    Ang kaso ay nakatakdang isampa sa San Fernando Pampanga Regional Trial Court. Nitong mga nakaraang araw umano ay may mga nagtungo na mga representante mula sa Pag-IBIG dala ang foreclosure order laban sa mga homeowners ng nasabing subdivision na mga hindi nakakabayad sa kanilang housing loan.

    Nagbanta daw ang mga ito na ipo-foreclose na ng Pag-IBIG ang kanilang mga bahay kapag hindi nabayaran ang pagkakautang sa loob ng ilang araw. Ayon kay Ramon Recto, vice president ng Xevera Homeowners Association sa Bacolor, magsasampa sila ng reklamo dahil sa harassment na ginagawa ng Pag-IBIG.

    Sa ilalim aniya ng umiiral na batas ay hindi maaring basta i-foreclose ang mga properties ng mga miyembro nila dahil protektado ang mga ito. Isa na aniya sa karapatan nila ang magkaroon ng refund ng hanggang 50 porsiyento kapag sila ay nakapaghulog na ng mahigit dalawang taon kung nais na nilang iwanan ang naturang bahay.

    Bukod dito, iginiit ni Recto na kung sakaling hindi makabayad ang isang homeowner ng Xevera ay hindi rin agad ito dapat mapo-foreclose batay naman sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pag-IBIG at ng Globe Asiatique na pag-aari naman ng negosyanteng si Delfin Lee.

    Maliwanag aniya sa MOA mayroon namang hanggang limang taon na buy-back guarantee ang Globe Asiatique sa Pag-IBIG sakaling hindi makabayad ang isang residente sa hulog nito sa bahay. Paliwanag pa ni Recto na kung hindi makabayad sa Pag-IBIG ang isang miyembro ay ang Globe Asiatique pa rin ang magbabayad nito sa Pag-IBIG.

    Maraming beses na umano silang nakipag- usap sa Pag- IBIG tungkol dito ngunit walang maliwanag na tugon ang nasabing ahensya. Nang makipag-usap naman daw sila kay Lee ay pumayag itong i-reconstruct ang pagbabayad ng mga delinquent na mga miyembro upang mai-update ang pagbabayad ng mga ito ng maluwag sa kanila.

    Ani Recto, kung may hindi man nakakapagbayad ngayon sa kani-kanilang obligasyon ang mga homeowners iyon ay dahil sa gulong kinakaharap ni Delfin Lee. Kahit sinuman aniya ang tanungin ay tiyak na matatakot sa sitwasyon ngayon ng Xevera na hindi alam kung saan tutungo.

    Bigla daw kasing inihinto ng Pag-IBIG ang implementasyon ng MOA dahil sa mga alegasyon ng double selling samantalang bayad naman lahat ng Globe Asiatique ang mga bahay na may housing loan dito sa ilalim ng buyback guarantee at ngayon ay sila na ang naiipit.

    Ayon kay Recto, dapat maunawaan ang nilalaman ng MOA sa pagitan ng Pag-IBIG at Globe Asiatique. Dito aniya mauunawaan na hindi ang Globe Asiatique ang siyang nagkulang bagkus ay ang Pag-IBIG. Ayon kay Recto, hindi nila pinoprotektahan si Lee bagkus ay naghahanap lamang sila ng katotohanan.

    Kung tutuusin aniya ay nasa Pag-IBIG ang depekto dahil hindi naman ang Globe Asiatique ang nag-apruba ng pondo ng housing loan kundi ang mismong Pag- IBIG sa mga tinutukoy na mga ghost borrowers.

    Ayon kay Recto, hindi sila natulungan ng gobyerno sa pagsasampa ng mga ito ng kaso laban kay Lee dahil noon ay maayos ang takbo ng kanilang pamumuhay ngunit nang magsimula daw ang asunto nito ay naapektuhan at nasira na ang kanilang komunidad.

    Apela nila kay Vice President Jejomar Binay na ipatigil ang foreclosure na ginagawa ng Pag-IBIG hanggang hindi pa natatapos ang usapin ng Globe Asiatique sa korte. Hanggang ngayon umano ay si Lee pa rin ang lehitimo na developer ng Xevera Homes dahil sa wala ng turn over na nagagaganap dito kayat naiipit sila sa problema ng nasabing negosyante.

    Nanawagan din sila sa Supreme Court para sa agarang desisyon ng naturang usapin. Ibinasura na aniya ng Court of Appeals ang kaso laban kay Lee ngunit ngayon ay nakabinbin dahil sa inilabas na TRO ng Korte Suprema.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here