‘Work contract’ ng OFW, isasalin na sa Pilipino

    272
    0
    SHARE
    Salamat , matapos ang maraming taon
    May nakaisip din sa‘ting mga Solon
    Na isulong niya sa Kongreso itong
    Napakagandang ‘Bill’ na napapanahon

    At tunay naman ding napakahalaga
    Para sa overseas workers at lahat na
    Ng ating kabayan na dumarayo pa
    Sa ibang bansa para lang sila kumita.

    Kung saan tama at may pinipirmahang
    Kontrata ang mga workers na naturan
    Bago tumungo sa Saudi o saan man
    Ay bale wala rin naman kadalasan.

    Sanhi na rin nitong minsan sa Arabic
    Nakasulat kundi man sa wikang English,
    Kung kaya ang ating kawawang ‘Overseas
    Workers’ sa puntong yan ang talo malimit.

    Pagkat ng dahil sa pinapirma basta
    Ng recruiter itong aplikante nila,
    Na di alam ang nilalaman kumbaga,
    Di ba’t may tendency na madaya sila?

    May mga employment agencies nga kasi
    Na mapanloko at kakutsaba pati
    Ng ilang employers din namang salbahe,
    Para makamenos ng malaki-laki

    Sa pagkuha nila ng mga empleado
    Na maari nilang babaan ang suweldo,
    Pagdating sa Saudi, sa ayaw at gusto,
    Ng kaawa-awang ni-recruit na tao.

    Kaya tama lang at sadyang nararapat
    Itong naisip ng isang mambabatas
    Na ipanukala niyang maging batas
    Ang hinggil sa nilalaman ng ‘work contract’

    Sa pagitan nga ng ‘employer’ at ‘worker,’
    Upang maiwasan ang ‘misunderstanding’
    At iba pang di dapat mangyari sa ating
    Mga kababayang madaling lokohin.

    Yan sa ilalim ng House Bill 4836,
    Na akda ni OFW Partylist,
    Cong. Johnny Revilla, na liban sa English,
    Ay isusulat na rin sa ibang ‘language’.

    (Partikular sa ating sariling wika
    At ang POEA may hawak na kopya,
    Ay ano pa nga bang ibang pandaraya
    Ang maari nilang puedeng isagawa?)

    At kung saan pati kung ilang oras yan
    Dapat magtrabaho malinaw din namang
    Nakasaad dapat sa ‘work agreement’ niyan
    Pati na probisyon sa pangkaligtasan;

    Haba ng panahon ng employment nila
    At ang benepisyo’t marapat makuha
    Matapos ang isang taon o higit pa,
    Na nasasaad sa kanilang kontrata;

    Na karaniwan ng ya’y nagiging ugat
    Ng problemang minsan na napakabigat
    Kapag ang ‘employer’ ay hindi pumayag
    Ibigay kung ano ang sadyang marapat.

    Kaya itinakda rin sa naturang Bill,
    Na itong ‘agency’ ay pagmumultahin
    Ng di kukulangin sa beinte singko mil,
    Kasama pati na ang pagbabawal din

    Na makapag-‘recruit’ ng OFW
    Ang alin mang ‘employment agencies’ dito,
    Kapag di sumunod sa utos na ito
    Na ngayon ay ganap ng batas, pare ko!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here