“Wish” ko lang

    924
    0
    SHARE

    SA PANAHONG nakalipas
    ang Pasko ko ay masaya,
    Mabulaklak na panahon
    ng buhay ko sa tuwina;
    Ang pagsapit ng Disyembre
    pinaghahandaan ko na
    Unti-unting nag-iipon
    ng kahit pabarya-barya;
    Sapagkat sa kapaskuhan,
    muli sa aming lamesa
    Kami ay magsalo-salo
    sa gabi ng Noche Buena.

    Sa kagaya kong magulang
    na uhaw sa bawat saglit,
    Sa pagsuyo’t pagmamahal
    ng anak kong nangawaglit;
    Ang minsan sa isang taon
    makasalo’t makaniig
    ligaya na sa buhay kong
    sa hukay ay papalapit,
    Kaya nga’t sa gabing ito
    ya’y Pasko ng hinanakit
    Kung isa man sa kanila,
    sa mata ko’y di masilip.

    Sa mapusyaw na larawan
    ng paskong tigib ng lungkot,
    Inulila ng anak kong
    ang iba ay nasa ‘abroad’;
    Pamuli ay nagbabalik
    ang kahapong tumalikod,
    Nang sila ay maliliit
    at kapiling ko pang lubos;
    Tuwing pagsapit ng Pasko
    ang tuwa ko’y abut-abot
    Sa dahilang lahat sila
    kasalo sa mesang bilog.

    Pero ngayon nasaan na,
    nasaan ng lahat kayo?
    Mga anak na dati ay
    kasalo ko tuwing Pasko?
    Nakalimot na ba sila
    sa masayang salu-salo,
    Na siyang pinakatanda
    ng pag-ibig na totoo!
    Ang dating magandang asal
    sa isip n’yan minulat ko
    Bakit tila naparam na’t
    di na maibalik ito?

    Ang bigyan ng kahit ano,
    di ko naman hinahanap
    Dahil hindi ito ang siyang
    ninanais na matanggap;
    Pagkat anumang regalo,
    naluluma, kumukupas
    Kung kaya’t ang alaala
    napakadaling lumipas;
    Ang gusto kong maging Pasko
    na siyang tangi kong pangarap,
    Ay yaong makasalo ko
    ang lahat ng aking anak.

    Kaya nitong nakaraan
    malungkot ang aking Pasko,
    Sa inihandang NOCHE BUENA
    ako’y walang nakasalo;
    Ang anak kong hinihintay
    ay lubusan nang nagbago,
    Kaya ngayon ang kaharap
    ay tanging ang larawan n’yo,
    Habang ako ay luhaan
    at ulilang nakatungo,
    Kaakibat ng dalanging
    sana ay dalawin ako,
    (Kahit ngayon na lang bago
    maupod ang kandila ko!)

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here