Home Opinion wikang pambansa

wikang pambansa

87
0
SHARE

anong nangyayari, sa wikang minana,

nabaon sa limot, wala nang halaga?

na dati’y inangkin, ng mga makata,

bumihag sa pusong pihikang dalaga.

 

obra ni Balagtas, ang Florante at Laura,

tungkol sa pag-ibig, na alay kay Selya,

may’ron ding pasaring sa mga Kastila,

sa baya’y sumakop, kinitlan ng laya.

 

ang iniwang bakas ng Pangulong Quezon,

nagmahal ng labis, sa’ting wika noon,

ang pagkakilanlan, natatanging layon,

sa mata ng mundo, at maraming nasyon.

 

umaalingaw-ngaw ang drama sa radyo,

na tanging libangan ng maraming tao,

wikang Filipino, laging binabando,

umaga at gabi’y nakatutok dito.

 

sa mga bangketa, komiks ay marami,

kuwentong wakasan ay nakawiwili,

ang mga nobela, binabasa lagi,

ang sumusubaybay, ay maraming sipi.

 

‘la nang balagtasan na kinagigiliwan,

dalawang makata ang nagpipingkian,

sa piniling paksa, may namamagitan,

ang wikang pambansa, yang pinagyayaman.

 

sarsuelang sumikat, ‘nong unang panahon,

kung ginaganap man, madalang na ngayon,

kaya’t wika nati’y unting nilalamon,

mga manunulat, sa iba ang tuon.

 

ang wikang banyaga, sa bata’y tinimo,

sa pag-aakalang, ito’y matalino,

kung kakausapin, ng mga kalaro,

di maka-intindi, salita’y di tanto.

 

ang hindi magmahal, sa sariling wika,

higit pa sa hayop at malansang isda,

kawikaang aral, tuluyang limot na,

pagpugay kay Rizal, unting nawawala.

 

sa nangyayari bang mundo ay nagbago?

ang teknolohiya, na naging moderno,

nalululong mandin, ang isip ng tao,

kabihasnan ngayon, inalipin tayo.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here