(Karugtong ng sinundang isyu)
GAYONG di pa man nga ‘convicted’ si Madam
sa kung anong kaso na ibinibintang;
Samantalang itong ayaw pakasuhan
ni Pangulong PNoy ay kapareho lang
Din namang suspect na gaya ni Revilla,
Juan Ponce Enrile, Napoles, Estrada,
na ngayon ay pawang nakadetine na
at ni ayaw nilang ya’y makapagpiyansa
Gayong suspect pa lang na kagaya nitong
kaalyado riyan ng Administrasyon
na itinuturong sangkot sa ‘corruption,’
itong hindi man lang ginawan ng aksyon
Ng rehimeng Aquino upang sana man lang
ay pansamantalang pinagpahinga n’yan;
Gaya ni Butch Abad at marami pa riyang
kaututang-dila nitong Malakanyang
Habang ang Senado ay hinahalukay
ang posibilidad na nagkasabwatan
itong nagpasasa sa kaban ng bayan
kung kaya maluwag na nakapagnakaw.
Pero hanggang ngayon ay ni isa yata
sa kasanggang dikit ni PNoy ay wala
siyang iniutos kasuhan nang kusa
ng DOJ para hindi makawala.
Alalaon baga, sa mga kabagang
ay tila kampante lang ang Malakanyang,
Subalit sa Marcos clan at Macapagal
ay medyo sobra ang ipina-iiral.
Si “Apo” komo di niya kaalyado
ay ni ayaw niyang ipalibing ito
sa nakatalagang himlayang totoo
para sa bayani at naging Pangulo.
Ang dating Pangulong Gloria Macapagal
ay ni ayaw niyang makalabas man lang
sa tinatawag na Veterans Hospital
kung saan ay ‘under hospital arrest’ yan.
Na kaduda-duda ang hindi pag-usad
ng kasong noon pa inaksyonan dapat
ni De Lima upang ma-determine agad
kung si Madam nga ay nagkasala’t sukat.
At di gaya nitong suspect pa lang siya
sa kung anong mga pagbibintang nila
ay ipinakulong na ng kapalit niya;
kaya masasabing di patas talaga?
Pero kagaya nga ng ating nabanggit,
okey lang kapagka’ sa kasanggang dikit,
kasama na riyan ang kanyang PNP Chief
na tunay naman din niyang kapanalig
Kaya naman hayan lang si Purisima
at todo tanggi yan na magbitiw siya,
dahil alam niyang siya ay higit na
kailangan ni PNoy sa adhikain niya
At isa si Hepe sa makatutulong
sa pasimple nilang pangangalap ngayon
ng napabalitang ‘one million signatures’
na pang-suporta sa kanyang ‘term extension’
Kung saan kuntodo tanggi si Pangulo
na hindi siya ang nasa likod nito,
kundi itong mamamayang Pilipino
(base sa sarili niyang barometro?)
Por delikadesa, ayaw man ni PNoy
na itiwalag ang PNP Chief ngayon,
si Alan mismo ang dapat mag-‘file’ nitong
katawagang ‘voluntary resignation’
Upang di halata na moro-moro lang
itong kunwari ay di si PNoy ang siyang
may gusto talaga na makabalik yan
sa Palasyo kundi itong taongbayan;
(na lubhang malayo sa katotohanan!)